Balita

58-anyos na ginang, inaresto ng 79th IB sa Northern Negros

,

Inaresto ng pinagsanib na pwersang militar at pulis sa pangunguna ng 79th IB ang 58-anyos na ginang na si Melba Gabriel sa Sityo Malig-on, Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental noong Disyembre 14. Pinararatangan siya ng mga pwersa ng estado bilang isang “susing lider” sa Panrehiyong Kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Isla ng Negros.

Ayon sa ulat ng militar, mayroong mandamyento de aresto para kay Gabriel sa kasong tangkang papatay ang Regional Trial Court Branch 59 sa San Carlos City na may petsang Enero 27, 2021. Kasalukuyang nasa kulungan sa Toboso Municipal Police Station ang ginang ayon sa mga ulat.

Pinasinungalingan at kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Northen Negros ang paratang na ito laban kay Gabriel. Ayon kay Ka Guillermo Mahilum, tagapagsalita ng grupo, karaniwan nang taktika ng 79th IB at mga yunit ng militar ang pag-aresto sa mga sibilyan at sasampahan ng mga kasong kriminal para matagalang ikulong.

“Ipinapakita nito ang kanilang totoong katangian bilang kontra-mamamayan at reaksyunaryong armadong pwersa ng naghaharing-uri,” pahayag ni Ka Guillermo. Nanawagan ang PKM-Northern Negros na kaagad palayain si Gabriel at ibasura ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Dagdag dito, himimok niya ang mamamayan sa Northern Negros na huwag matakot, at magkaisa at makibaka laban sa militarisasyon at terorismo ng mga pwersa ng estado sa mga komunidad.

Samantala, kinundena ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang pekeng engkwentro na ipinakana ng 79th IB sa Sityo Tauma, Barangay Bandila noong Disyembre 13 ng hapon. Tahasang itinanggi ni Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng yunit, na may presensya ang hukbong bayan sa naturang barangay sa araw na iyon.

Paliwanag pa ni Ka Cecil, halos isang kilometro lamang ang “lugar ng engkwentro” sa isang detatsment ng CAA sa naturang barangay. “Malaking katatawanan ang napiling lugar ng 79th IB para sa kanilang pekeng engkwentro. Hindi kapani-paniwala para sa publiko na magbabasae ang BHB sa perimetro ng detatsment ng paramilitar,” ayon sa kanya.

Malinaw umanong ipinakikita lamang ng pekeng engkwentro ang desperasyon ng 79th IB na makapag-ulat ng mga kunwa’y tagumpay nito sa pagtatapos ng taon. “Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo at para makakurakot ng malaking pondo sa operasyon, nagpakana ang 79th IB ng engkwentro at iba pang drama,” dagdag ng tagapagsalita.

Sa ulat ng 79th IB, tumagal ang drama ng 12 minuto resulta ng “tip” ng mga residente sa presensya ng armadong mga indibidwal. Katawa-tawang natantsa ng mga sundalo na pito ang Pulang mandirigma na kanilang nakasagupat at nasamsam pa sa mga ito ang maraming armas kabilang ang isang M16, .38 rebolber, mga magsain, bala, suplay medikal, pagkain, personal na kagamitan at mga dokumento. Sukdulan pa ang kahibangan ng 79th IB sa pagpapasalamat sa komunidad na umano’y tumutulong sa kanila para matunton ang hukbong bayan.

AB: 58-anyos na ginang, inaresto ng 79th IB sa Northern Negros