Pagpapalaya para kay Mary Jane Veloso, muling ipinanawagan
Naglunsad ng noise barrage, snake march at press conference noong Hunyo 19 ang iba’t ibang grupo, sa pangunguna ng Migrante International at pamilya ni Mary Jane Veloso, sa harap ng Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City upang ipanawagan ang agarang paglaya ni Veloso. Kasama sa pagkilos ang Gabriela Women’s Party, Kadamay, Sandigan at Bayan Muna.
Ang pagkilos ay itinaon sa pagbibigay ni Veloso ng pahayag sa loob ng Correctional hinggil sa isinampa niyang kasong human trafficking, illegal recruitment at estafa noong 2015 laban sa kanyang rekruter. Ito ang unang beses na makapagbibigay siya ng kanyang testimonya.
“Habang umuusad ang kaso laban sa kanyang mga recruiter, hindi dapat kalimutan na si Mary Jane mismo ay patuloy na pinagkakaitan ng kalayaan. Matagal na niyang pinapasan ang bigat ng pagkakakulong at pagkawalay sa kanyang pamilya sa kabila ng malinaw na mga indikasyon na siya ay biktima ng human trafficking,” pahayag ni Sarah Elago, kinatawan ng GWP.
Kasabay nito, naglunsad ng “Global call to action to free Mary Jane Veloso now!” ang mga balangay ng Migrante sa iba’t ibang bansa. Nagpahayag ng pakikiisa ang Migrante Japan, Migrante UK, Migrante Thailand, Migrante Taiwan, Pinatud A Saleng ti Umili, International Migrants Alliance, Migrante Canada at Migrante Europe.
Nagpahayag din ng suporta at panalangin para sa pagpapalaya ni Veloso ang Baguio Episcopal Area of the United Methodist Church at United Church of Christ in the Philippines.
Nakabalik si Veloso sa Pilipinas matapos ibaba ng gubyernong Indonesian ang kanyang sentensiyang kamatayan tungo sa habambuhay na pagkakakulong noong Disyembre 2024. Nakakulong siya mula pa noong 2010.
“Sinasalamin ng kaso ni Mary Jane ang kalagayan ng milyun-milyong Pilipinong napipilitang mangibang-bansa dahil sa kawalan ng disenteng trabaho, mababang sahod, at kahirapan sa bansa. Habang hindi natutugunan ang ugat ng sapilitang migrasyon, patuloy na malalagay sa panganib ang mga migranteng Pilipino sa pagsasamantala, trafficking, at iba pang pang-aabuso,” dagdag ni Elago.
“Palayain si Mary Jane Veloso! Panagutin ang mga human trafficker. Ipaglaban ang karapatan ng mga migranteng Pilipino,” panawagan niya.