Mga magsasaka sa Bicol, binatikos ang rehimeng Marcos sa pinsalang dulot ng Kasangga 2026 sa kanilang kabuhayan
Sa gitna ng pagdiriwang ng militar sa kunwa’y matagumpay na pagtatapos ng Exercise Kasangga 2026, bumuhos ang pagkundena ng mga grupo ng magsasaka sa Bicol dahil sa ligalig at istorbo na idinulot ng war games na ito sa kanilang kabuhayan at komunidad.
Noong Hunyo 19, pormal na tinapos ng mga hukbo ng Pilipinas at Australia ang naturang war games sa isang seremonya sa Camp Elias Angeles sa Pili, Camarines Sur. Nilahukan ang war games na ito ng mahigit 390 tropa. Sa unang pagkakataon, lumahok dito ang mga elemento mula sa Philippine Air Force at Philippine Navy para “palakasin ang depensa at seguridad sa rehiyon ng Indo-Pacific.”
Mula simula, mariin nang tinutulan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagdaraos ng mga war games ng mga dayuhang tropa. Anito, ang Kasangga 2026, tulad ng nakaraang Salaknib 2026, ay nagdala ng militarisasyon at pahirap sa mga magsasaka at mangingisda sa mga bayan ng Pasacao, Balatan, San Fernando, Libmanan, at Ragay.
Binigyang diin ng pangkalahatang kalihim ng KMP na si Ronnie Manalo na ibinunsod ng mga war games ang mga patakarang “no-sail zone,” tsekpoynt, at pangkalahatang paghihigpit sa pagkilos na naglimita sa kakayahan ng mga magsasaka na asikasuhin ang kanilang mga sakahan at sa mga mangingisda na pumalaot. Sa Barangay Balogo sa Pasacao, iniulat na napilitang lumikas ang mga residente sa kanilang komunidad dahil sa mga live-fire exercises. Nawalan sila ng kita nang ilang araw dahil dito.
Ayon kay Manalo, nagdulot ng ligalig at istorbo sa mga residente ang mga pagpapasabog at pagpapaputok sa mga baybayin at mataas na bahagi ng Pasacao. Pininsala din nito ang ekosistema sa dagat at mga pangitlugan ng isda sa karagatan ng prubinsya.
“Ipinagmamalaki ng gubyerno ang tagumpay ng military exercises habang ang mga komunidad ay nagtitiis sa dislokasyon at pagkawala ng kabuhayan,” ani Manalo. Binatikos din niya ang malaking gastos sa war games habang nasa krisis ang sektor ng agrikultura dahil sa mababang presyo ng ani, mataas na gastos sa produksyon, at kakulangan sa suporta tulad ng irigasyon at subsidyo.
Nagpahayag ng pangamba ang KMP sa lumalaking presensya ng militar sa Camarines Sur at iba pang katulad na lugar. Anito, ginagamit ang presensyang militar para protektahan ang interes ng mga malalaking korporasyon at dayuhang mamumuhunan sa mga proyektong pang-enerhiya at ekoturismo sa rehiyon.
Ayon sa KMP, ang tunay na seguridad ng bansa ay masusukat kung ang bawat pamilya ay may sapat na pagkain, katiyakan sa kabuhayan, at lupa na mabubungkal nang malaya mula sa militarisasyon at dayuhang interbensyon. Iginiit nito ang agarang kumpensasyon sa lahat ng mga residente na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa mga restriksyong militar.
Higit dito, nananawagan ang KMP sa mga magsasaka at masang anakpawis na itakwil ang mga war games ng US sa kanilang mga komunidad at tuluy-tuloy na labanan ang presensyang militar nito sa Pilipinas.