7 bahay sa Himamaylan City, niransak ng 94th IB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Iligal na pinasok at hinalughog ng mga sundalo ng 94th IB at elemento ng Citizen Armed Geographical Unit (CAFGU) ang pitong bahay sa Sityo Cabagal, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Hunyo 7, alas-2 ng madaling araw.

Labis ang takot ng mga residente nang biglang sumugod ang mga tropang militar sa kanilang kabahayan. Sariwa pa sa kanilang alaala ang pagmasaker ng 94th IB sa pamilyang Fausto noong Hunyo 14, 2023 sa kanilang barangay kung saan pinatay ng mga berdugo ang mag-asawang sina Emilda at Roly at kanilang dalawang menor-de-edad na anak.

Para pasukin ang pitong bahay, pinagsisipa ng mga sundalo ang mga pintuan nito. Kabilang sa mga pinasok ang bahay ng pamilya ni Leo de Baguio. Pinilit siyang pumunta sa detatsment ng militar sa kalapit na sityo. Tumanggi siya dahil sa takot para sa kanyang seguridad at buhay.

Mayroong dalawang detatsment militar malapit sa Sityo Cabagal. Nakatayo ito sa Sityo Hilamonan at Mahalang na pamalagiang kinakampuhan ng mga CAFGU at sundalo ng 94th IB. Ito ang nagiging sentro ng militarisayon at patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersang militar ng estado.

Ngayong taon, hindi bababa sa apat na mga magsasaka ang iligal na inaresto ng 94th IB sa Barangay Buenavista. Higit 20 naman ang biktima ng pambabanta, panggigipit at intimidasyon. Marami sa kanila ay mga kasapi ng Baklayan, Bito, Cabagal Farmers Association (BABICAFA), organisasyong kinabilangan rin ng minasaker na pamilyang Fausto.

AB: 7 bahay sa Himamaylan City, niransak ng 94th IB