7 kontra-demolisyong aktibista at residente sa Cebu, inaresto ng pulis
Marahas na inaresto ng mga pwersa ng estado ang pitong kontra-demolisyong aktibista at residente ng Sityo Casia, Barangay Bangkal, Lapu-Lapu City, Cebu habang nagpuprotesta laban sa iligal na demolisyon sa 39 bahay mula pa kahapon, Nobyembre 28. Dinakip ng mga pulis ang apat na residente na sina Marjhun Amoroto, Belt Sasar, Lito Padillon at Cris Gabutan at ang lider ng Anakbayan-Cebu na si Kei Galon, si Deviemar Opo ng Anakbayan-Lapu-Lapu, si Howell Villacrucis ng AMA-Sugbo-KMU.
Kinundena ng Casia Matab-ang-Residence Association (CAMARA) at Nagkahiusang Kabus sa Lapu-lapu (NAKALAP) ang naturang demolisyon at pag-aresto sa mga residente at aktibista. Anila, iligal ang isinagawang demolisyon dahil wala kahit anong papeles mula sa korte ang ipinresenta sa kanila ang mga pulis.
“Nakaranas ng labis na troma ang mga bata, matatanda at kababaihan sa dali-daling demolisyon at pwersahang pagpapalayas sa kanila. Binugbog at tinutukan pa ng baril ng mga pulis ang mga kumwestyon at tumutol sa demolisyon,” ayon sa mga grupo ng maralita.
Isiniwalat ng dalawang grupo na inamin mismo sa kanila ng ilang mga awtoridad na “sikretong demolisyon” ang naganap laluna dahil wala itong ligal na kautusan. Anila, dahil makatarungan ang pagtirik ng bahay ng mga maralita sa lugar, dahas na lamang at panlilinlang ang ginamit ng estado laban sa kanila.
Noong 2006 pa nagsimula ang pakikibaka ng mamamayan sa Sityo Casia para sa kanilang karapatan sa paninirahan. Inaangkin ang naturang lupa ng pamilyang Mangura. Simula noon ay tuluy-tuloy ang paninindigan ng mga residente laban sa demolisyon. Muling nabuksan ang usapin ng pang-aagaw sa lupa noong 2022 nang subukan ng pamilyang Mangura na magsampa ng kaso sa korte para kamkamin ang lupa.
Kasalukuyang nakatirik ang barikada ng mga residente ng Sityo Casia para ipagtanggol ang kanilang mga bahay at karapatan sa paninirahan. Sa harap nito, nananatili ang panibagong serye ng pandarahas ng mga pwersa ng estado para buwagin ang barikada.