6 bahay, giniba sa Hacienda Luisita para bigyang daan ang proyekto ng mga Ayala
Anim na bahay ng mga magsasaka sa Barangay Central, Tarlac City, sakop ng Hacienda Luisita, ang giniba kahapon, Agosto 12, ng mga tauhan ng tinaguriang “Luisita warlord trio” na kinabibilangan ng mga pamilyang Lorenzo, Cojuangco at Ayala. Pinalalayas sa naturang barangay ang daan-daang mga residente para bigyang daan ang ₱18 bilyong proyekto ng Ayala Land Inc. (ALI) na sasakop sa 290 ektaryang lupa dito.
Humigit kumulang 989 pamilya ang planong palayasin ng “Luisita warlord trio” para sa proyektong Cresendo, ika-29 proyektong real estate ng mga Ayala. Plano ng mga Ayala na lagyan ito ng mga pabahay, plasa, komersyal na mga gusali, at iba pa. Wawasakin nito ang mga komunidad ng mga magbubukid at kanilang kabuhayan.
Ganap na alas-4 ng umaga sa araw ng demolisyon, lumusob sa barangay ang mahigit 100 tauhan ng Winace Security Agency, pamilyang Lorenzo at Cojuangco ng Central Azucarera de Tarlac (CAT), sakay ng mga bus. Sumugod sila sa mga sityo ng Obrero, Zit, at Lote at sinimulan ang paggiba sa mga bahay habang nagpapahinga pa ang mga residente. Ayon sa mga magbubukid, walang kahit anong atas ng korte o papeles na dala-dala ang mga maton.
Napahinto lamang ang demolisyon nang nanindigan ang mga residente, at katuwang ang mga upisyal ng barangay, ay matagumpay na naitaboy ang mga bayarang maton sa mga bahay. Gayunman, nawasak na nila ang walong bahay.
“Alam ng mga residente na sa pangmatagalan, layunin ng Luisia warlord trio na gibain ang lahat ng mga bahay sa erya para sa itatayong residensyal, komersyal at ang sinasabing industriyal na pag-unlad sa lugar,” pahayag ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).
Ayon sa mga residente, nagsimula ang banta ng pagpapalayas sa Barangay Central noong 2019 nang ibenta ng CAT ang lupa ng barangay sa mga Ayala. Mula noon ay isa-isang nakatanggap ng mga “Notice to Vacate” ang mga pamilyang residente ng nasabing barangay. Para sindakin sila, sinampahan ng kasong kriminal ang humigit kumulang 276 mamamayan.
Naiulat rin na simula Hunyo 15 ay nagtayo ng tent at tskepoynt ang mga maton ng Luisita warlord trio sa mga pasukan at labasan sa Barangay Central. Katuwang din nila sa panggigipit at panghaharas ang mga tauhan ng CAFGU na nasa isang kalapit na detatsment at mga tauhan ng 31st Company ng 3rd Mechanized Infantry Battalion na malapit rin ang kampo sa lugar.
Pinagbabawalan ng mga berdugo at maton ang pagpapapasok ng mga construction materials na kailangan ng mamamayan tuwing tag-ulan para patibayin ang kanilang bahay. Maging ang mga upisyal ng barangay na magpapasok ng mga materyales ay pinagbabawalan kahit pa para ito sa mga upisyal na proyekto ng lokal na gubyerno. Pinagbawalan rin maging ang pagpapakabit ng linya ng tubig sa nasabing barangay.
Kahit ang resolusyon ng Sangguniang Panglunsod ng Tarlac noong Hulyo 20 na nag-atas na alisin ang mga tsekpoynt ay tahasang binabalewala ng Luisita warlord trio. Nanindingan ang mga residente ng Barangay Central na bago pa man pumasok ang mga Cojuangco-Aquino at mga Lorenzo sa Hacienda Luisita, nakatira na ang maraming residenteng pinalalayas sa nasabing barangay.
“Hindi porke naging normal na ang pang-aapi ng Luisita warlord trio ay hahayaan lang ito ng mga magsasaka. Nasa mga landgrabber man ang mga baril, nasa mga magsasaka at manggagawang-bukid ang bilang. At kapag nag-aklas ang masang api, mananagot ang mga nang-aapi sa kanila,” pagdidiin ni Ka Ariel Casilao, tagapagsalita ng UMA.
____
Pabatid: Iniwasto sa artikulong ito ang nakasaad na bilang ng bahay na giniba sa Barangay Central, Tarlac City. Sa naunang ulat, nakalagay na walo (8) ang ginba na mga bahay, itinama ito tungong anim (6). // 10: 24PM August 13, 2024