9 na pamilyang magsasaka sa Iloilo, inagawan ng lupa ng pamilyang Villar
Siyam na pamilyang magsasaka sa Barangay San Jose, San Miguel, Iloilo ang pwersahang pinalayas sa kanilang mga tahanan ng Communities Iloilo Inc, isang subsidiary ng Vista Land & Lifescapes Inc. na pag-aari ng pamilyang Villar. Pwersahang pinasok ng goons ng kumpanya ang lugar ngayong araw, Oktubre 2, at dinemolis ang kanilang mga bahay.
Bantog ang burges kumprador at dinastiyang pulitikal na pamilyang Villar sa pang-aagaw ng mga lupang agrikultural at pagpapalit-gamit ng mga ito tungo sa mga subdibisyon.
Ayon sa ulat ng Ang Mangingisda, pahayagan ng mga estudyante ng University of the Philippines-Visayas College of Fisheries and Ocean Sciences, iginawad ng isang korte sa Iloilo sa Communities Iloilo Inc ang permit para “marahas na pasukin” ang kabahayan na pagmamay-ari ng pamilyang Saul. Gayunpaman, naninindigan ang pamilya sa kanilang karapatan sa lupa na matagal nang kinatitirikan ng kanilang kabahayan.
Pinananagot ng mga magsasaka ang lokal na upisina ng Department of Agrarian Reform na tumatangging ideklara ang kanilang lupa bilang agrikultural at sa gayon ay hindi basta-basta pwedeng tayuan ng subdibisyon.
Bilang pagtutol, nagsagawa ng protesta ang mga residente laban sa mga goons ng mga Villar at mga pwersang pulis at mga sundalo na umaligid sa lugar.