Balita

9-puntong adyenda, binuo sa People's Summit

Ilandaang kinatawan ng mga progresibo at demokratikong organisasyon ang nagtipon sa isang bulwagan sa Quezon City Memorial Circle kahapon, Hulyo 16, para talakayin at pagtibayin ang 9-puntong adyendang binuo ng People’s Summit para magsulong ng tunay na pagbabago sa bansa.

Ito rin ang magiging listahan ng kanilang kahingian itutulak sa isasagawang kilos protesta sa araw ng state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr.

Ang People’s Summit ay inorganisa ng grupong Ibon, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Koalisyong Makabayan at Movement for Good Governance and Genuine Democracy, sa pakikipagtulungan sa iba pang mga organisasyon. Bago ang naturang aktibidad, nagkaroon ng kani-kanyang pagtitipon ang iba’t ibang sektor upang lagumin ang kanilang mga kahingian.

Ayon sa mga organisasyon, ang People’s Agenda ay gagamitin para pagkaisahin ang mamamayan at isulong ang kanilang karapatan at kagalingan. Sinaklaw ng 9-puntong adyenda ang kagyat na mga usapin sa sektor ng agrikultura, kalusugan at karapatang-tao.

Kabilang sa kanilang mga kahingian ang pagtugon sa sumisirit na presyo ng langis at mga bilihin, pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, pagwawakas sa kontraktwalisasyon at pagsasabatas ng pambansang minimum na sahod, suporta, ayuda at subsidyo sa mga magsasaka, libreng serbisyong sosyal at pambulikong kalusugan, pagtataguyod sa karapatang-tao, pagtatanggol sa pambansang soberanya at iba pa.

AB: 9-puntong adyenda, binuo sa People's Summit