Balita

Aerial bombing sa Bastar sa India, binatikos

,

Kinundena ng mga Adivasi (mga katutubong mamamayan) sa distrito ng Bastar sa estado ng Chhattisgarh, India ang panibagong serye ng aerial bombing sa kanilang mga komunidad noong Abril 7. Ayon sa mga ulat ng midya, binomba ang mga komunidad ng Jabbagatta, Meenagatta, Kavargatta at Bhattiguda. Hinihinalang gumamit ang estado ng India ng mga drone para isagawa ang mga pag-atakeng ito.

Sa salaysay ng mga reidente, nagsimula ang pambobomba bandang ala-6 ng umaga sa kaburulan ng Morkemetta na nasasaklaw ng mga naunang komunidad na binanggit. Sinundan umano ito ng pambobomba direkta sa mga sakahan ng mga komunidad at walang patumanggang pamamaril ng tatlong helikopter. Iniulat na ilang residente ang nasugatan at nasaktan matapos magsitakbo dulot ng takot.

Ayon sa Forum Against Corporatization and Militarization (FACAM), organisasyong nakabase sa India, hindi ito ang unang pagkakataon na binomba ng estado ng India ang mga komunidad ng Adivasi. Nauna nang naitala ang naganap noong Enero lamang sa distrito ng Bijapur sa estado ng Karnataka, India.

Kaugnay nito, nagawang makapasok ng Coordination of Democratic Rights Organisations (CDRO) noong Marso sa apektadong mga komunidad sa Bijapur para sa isang fact-finding mission. Nauna nilang sinubukang pumasok sa lugar noong Pebrero ngunit paulit-ulit silang hinaras at pinigilan ng reaksyunaryong armadong pwersa ng India.

Batay sa mga testimonya ng mga residente na siyam na bomba ang inihulog dito gamit ang maraming drone na sinundan ng matinding pamamaril ng dalawang helikopter. Ayon pa sa kanilang misyon, lubhang naapektuhan ng mga ito ang buhay at kabuhayan ng mga Adivasi sa lugar.

“Ang mga pag-atakeng ito ay lumilikha ng malinaw na banta sa buhay at nakapipigil sa mismong pag-iral ng mga Adivasi bilang mga tao,” ayon sa FACAM. Ayon pa sa kanila, mahalaga umanong idiin na maraming internasyunal na mga batas ang nagbabawal sa paggamit ng mga pag-atake mula sa himpapawid sa usapin ng internal na tunggalian o mga lugar kung saan may nakatirang mga sibilyan.

“Ang estado ng India, na pinamumunuaan ng Brahmanical Fascist RSS-BJP, ay uhaw sa dugo na naglulunsad ng todong-gera laban sa mamamayan ng bansa, para bigyang daan ang pandarambong ng mga korporasyon sa hitik na likas na yaman na matatagpuan sa mga rehiyong ito,” giit pa ng FACAM.

Nanawagan ang grupo sa lahat ng mga progresibo at demokratikong pwersa sa India at ibang mga bansa na makiisa sa mamamayang Indian laban sa mga pag-atakeng ito ng estado ng India.

AB: Aerial bombing sa Bastar sa India, binatikos