Anang mga magsasaka, di kailangan ang imported na asukal

Hindi napapanahon ang pag-angkat ng asukal, dahil nagsimula na ang milling season o paggiling ng lokal na tubo. Ito ang reaksyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa inilabas kahapon na kautusang pirmado ni Ferdinand Marcos Jr na mag-angkat ng karagdagang 150,000 metriko tonelada sa mga susunod na linggo.

“Hindi kailangang mag-angkat na 150,000 MT ng asukal dahil magkakaroon na ng asukal na pinrodyus at giniling sa lokal,” ayon kay KMP chairperson emeritus Rafael V. Mariano.

Nagsisimula ang crop year ng tubo mula Setyembre 1 at magtatapos sa Agosto 31 sa susunod na taon. Itinakda nang para sa lokal na konsumo ang lahat na mapoprodyus na asukal ngayong taon.

Ayon kay Mariano, maging ang mga prodyuser ng asukal ang nagsasabing walang kasalatan o kakulangan nito. “Kung ang layunin ng pag-aangkat ay ibaba ang presyo, hindi na kailangan (ang pag-aangkat),” aniya.

Ganito rin ang pahayag ng grupo ng mga syentista at magsasakang bumubuo ng grupong Masipag. Anito, dapat magpokus ang gubyerno sa pagpatataas ng lokal na produksyon imbes na umasa sa importasyon.

“Ang pag-aangkat ng asukal, na panimula para iliberalisa ang buong kalakalan ng asukal, ay magreresulta sa pagbagsak ng lokal na produksyon nang 6.8%,” ayon sa grupo. Hindi kailanman naging tamang sagot ang importasyon, anito, at ang marapat ay ang pagpapalakas ng lokal na produksyon sa pamamagitan ng tunay na pagpapaunlad sa kanayunan.

Ayon sa PKP, ang pagtutuloy ng importasyon, matapos ang madramang pagbawi sa naunang kontrobersyal na kautusan, ay patunay lamang ng panloloko ng rehimeng Marcos Jr sa mamamayan. Ginawa ang pagbawi sa naunang kautusan para sa pag-aangkat ng 300,000 MT asukal para lamang sipain ang karibal nito sa ismagling at importasyon ng asukal.

AB: Anang mga magsasaka, di kailangan ang imported na asukal