Balita

Ang Pakikipagsapalaran ni Jeremy Gardinero

“Manong, bagsak ang presyo ng patatas sa NVAT, trenta lang,” bungad ng isang lalaki, maliit at bilugan, pagkababa mula sa trak. “Pero singkwenta raw ang repolyo sa La Trinidad.”

“Ania ngay, wrong timing” sabi ni Jeremy, malayong pinsan niya, balingkinitan at mas matangkad ng ilang pulgada, habang umiiling. “Swerte ng mga umani ng repolyo, nakatsamba sila.” Iniabot niya sa kausap ang ilang dahon ng gawed na nakabalot sa isang lumang pakete ng kendi, kasabay ang ilang libong piso. Sa halagang P3.50 kada kilo, binabayaran ni Jeremy ang serbisyo ng pinsan niya sa transportasyon ng ibinentang gulay.

Kagagaling ng kababata ni Jeremy sa Nueva Vizcaya Trading Post sa Bambang, apat na oras na byahe mula sa Sityo Nam-a, para mag-deliber ng humigit-kumulang 2,000 kilo ng patatas. Noong araw na iyon, P30 kada kilo ang bentahan ng patatas sa NVAT, mababa kumpara sa P80 noong minsang nakatsamba si Jeremy at nakapagbenta ng 10,000 kilo sa kabuuan. Pero tsamba lang iyon, kasing-ilap ng dalawang bagong buwan sa loob ng apat na linggo.

“Sa Sityo Nam-a, kakambal ng tsamba ang namnama,” biro niya.

***

Sa mundo ni Jeremy at ng libu-libong iba pa sa mga “hardin” o sakahan ng gulay sa Ifugao at mga karatig na bayan, ang pagkakataon ay isang maamong kalaro kung minsan, pero sa mas maraming panahon, isang halimaw na lumalamon sa lahat ng nasa daan nito. Nakakatakot man sa una, hindi naman talaga ito kasingmakapangyarihan katulad ng makikita. Mahirap nga lang masapul ang mga kahinaan nito, lalupa’t ang pangunahing nilalaman ng isipan ng bawat hardinero at manggagawang-bukid ay ang may maihapag na pagkain sa lamesa sa araw-araw, mula pa noon.

Bata pa lamang si Jeremy, tumutulong na siya sa garden ng mga magulang—2,500 metrong-kwadrado ng lupaing pamana pa ng mga ninuno nilang Kalanguya. Pagtungtong ni Jeremy sa Grade 8, huminto na siya sa pag-aaral para ilaan ang buong panahon niya sa pag-aasikaso sa kanilang sakahan, matapos umalis ang mga magulang at ilang kapatid patungo sa Kayapa, Nueva Vizcaya para magtrabaho rin doon. Ngayon, anim silang magkakapatid na naiwan sa Sityo Nam-a.

Tatlong buwan na ang nakalipas mula nang inihanda ni Jeremy ang lupain para tamnan ng patatas. Ipinahiram sa kanya ng isang tiyuhin ang traktora nito, pero si Jeremy ang bumili ng gasolina (P68 x 20 litro = P1,360) at nagbayad sa opereytor (P1,000 x 3 araw = P3,000). Sa halagang P70 kada kilo, P28,000 naman ang ginastos niya para sa 400 kilo ng semilya ng patatas. Higit pa rito, kalakhan ng perang hawak niya ay napunta sa pagbili ng chicken dung (P120 x 60 sako = P7,200), urea (P2,500 x 4 bag = P10,000), at samu’t saring kahon at pakete ng mga kemikal na pang-spray (P39,700 sa kabuuan). Sa pagitan ng paghahakot ng mga sako ng chicken dung (tae ng manok) mula sa kalsada patungo sa sakahan, 10 sako kada araw sa loob ng anim na araw, mangilang-beses niyang nabalitaan ang pagsirit ng mga presyo ng fertilizer na 14-14-14 (P2,400 mula sa dating P1,200), ng langis at gasolina, at ng mga bilihin dahil sa sunod-sunod na mga bagyo. Bukod pa ang mga ito sa dati nang sakit sa ulo ng mga hardinero at magbubukid, ang malayang importasyon at ismagling ng mga pang-agrikultural na produkto.

Matapos ang paghahanda sa lupa, tinamnan na agad ni Jeremy at ng limang iba pa, mga kamag-anak nila mula sa Aritao, Nueva Vizcaya at kapwa hardinero, ang 1/4 ektaryang lupain. Paglipas ng maghapong pagtatanim, gumastos si Jeremy ng P600 para sa inuman at salo-salo nila. “Natatanging gamot para sa pagod,” aniya. Sa mga sumunod na araw at linggo, siya naman ang tutulong sa kani-kanyang trabaho sa garden ng mga ito, isang anyo ng tulungan na tinaguriang “ub-ubbo”.

Habang hindi pa dumadating ang tag-ulan, tatlo naman sa kanila ang nakatulungan ni Jeremy sa pagsasarado ng lupang tinamnan sa loob ng apat na araw. Sa sumunod na dalawang buwan, sinama-samahan si Jeremy ng isa para sa pagbabantay at pagi-spray ng Detin, Pilorich, Frebicure, Bida, Carlop, at Megaton sa mga tanim kada dalawang araw. Kasabay ng mga trabahong ito, sinikap ni Jeremy na tulungan ang nakababatang mga kapatid sa pagsagot sa mga modyul.

***

Nakatira si Jeremy at lima niyang kasama sa isang pansamantalang kampo malapit sa hardin. Lahat sila’y mga binata na huminto sa pag-aaral. Tagaluto nila ang kanyang kapatid na si Kevin, 16-taong gulang, na kababalik lamang sa sityo mula sa pagtatrabaho sa isang proyektong konstruksyon ng kalsada sa Buguias, Benguet.

Dito sila nagsasalo-salo, kasama ang iba pa na nakakatulong nila sa sakahan. Kabilang dito ang mga dayong magsasaka na mula sa Ilocos Sur na namalagi na sa Sityo Nam-a bilang mga pana-panahong manggagawang-bukid. May mga pagkakataong nagsasama-sama sila sa kampong ito sa alok ni Jeremy bilang pasasalamat at kortesiya sa kanilang pagod sa pagtatrabaho, laluna sa panahon ng anihan.

Sa bahaging ito ng Pilipinas, ang mga hardinerong katulad ni Jeremy at mga kasamahan niyang manggagawang-bukid ay nasa awa ng “tsamba” na mataas-taas ang presyo ng pagbili ng mga komersyante tuwing anihan (madalas mababa) habang umaasa na bumaba ang mga presyo ng farm inputs at iba pang bilihin.

Alam ni Jeremy na mas mahirap ang umasa sa “tsamba” at mas madalas kaysa hindi, lugi silang mga magsasaka. Gayunpaman, kahit paano, maipagmamalaki niyang sama-sama silang mga hardinero sa hirap at ginhawi. Palagi mang nalulugi ay nagtutulungan pa rin sila, kasama ang mga manggagawang-bukid na katuwang nila sa pagod ng maghapong trabaho. Sa panahong sadsad ang presyo ng kanilang ani sa NVAT o Trinidad, nabubuhay sa Sityo Nam-a sa katutubong ub-ubbo, o kooperasyong walang katumbas na pera.

***

Sa loob ng tatlong buwan, umabot sa P167,060 ang nagastos ni Jeremy sa papalago ng pananim na patatas. Kasama na dito ang P18,000 (10% ng kabuuang benta) na obligado siyang iabot bilang bayad-interes sa pautang ng pinsan niya para sa farm inputs. Kasama rin dito ang P4,500 na bayarin sa deliberi sa NVAT o Trinidad (parking fee ng trak o pordia ng mga packer), P37,300 na gastos sa kabuuhang sahod sa paggawa, P21,000 ay bayad sa transportasyon ng gulay at ang pinakamalaki, P86,260 para sa farm inputs.

Sa anihang iyun, hindi “nakatsamba” si Jeremy sa bilihang P50/ kilo ng patatas dahil bumagsak na naman sa P30/kilo. Sa suma, P12,940 ang naiwan kay Jeremy mula sa P180,000 na kita sa pagbebenta ng 6,000 kilo ng patatas. Katumbas ito ng P143.78 na arawang sahod, malayo sa P300 na itinakdang minimum wage sa rehiyon at lalo pa sa P1,072 na makatarungang cost of living allowance ng isang pamilya ng lima.

Bago pa umabot kay Jeremy ang kakarampot na kita mula sa kanyang paggawa, napaghati-hatian na ang mas malaking halaga ng pinagpaguran niya at mga kasamahan niya ng mga disposer sa NVAT o La Trinidad Trading Post sa Benguet, mga distributor ng farm inputs, at ng transnasyunal na kumpanyang nagpuprodyus at nag-aangkat sa Pilipinas ng binhi, pataba at pestisidyo.

Matapos anihin ang mga patatas, ihahanda naman ni Jeremy ang kanyang hardin para tamnan ng repolyo.

***

Sa edad na 18, nauunawaan na ni Jeremy ang isang batas sa ilalim ng isang makauring lipunan: may tiyaga man, hindi palaging may nilaga. Kung matutumbasan ng kayamanan ang kasipagan, hindi na sana kinailangang tumigil din ni Kevin sa pag-aaral at makipordia sa murang edad. Hindi na sana kinailangan lumipat ng mga magulang nila sa Kayapa para makahanap ng trabaho. “Mahirap ka pa rin kahit gaano ka nagpagod, habang yumayaman ang mga nakaupo lang,” sabi niya.

Nang mabalitaan ni Jeremy ang malawakang kilos-protesta ng mga hardinero sa Trinidad, napaisip siya at nabigyan ng pag-asa—pero hindi na sa tsamba. Bali-balita ang mga aksyong-masa laban sa malayang importasyon at ismagling ng mga pang-agrikultural na produkto dahil malaking dagok ito kahit sa mas-nakakaangat na saray ng mga disposer, supplier, at trucker.

Makatarungan ang panawagan para itigil ang malayang importasyon at ismagling ng mga pang-agrikultural na produkto at sa halip, suportahan ang mga produktong Pilipino. Sa isipan ni Jeremy, makatarungan din ang panawagan para sa pagtatakda ng floor price sa NVAT o Trinidad, o pagbibigay ng subsidyo para sa farm inputs—sa halip na umasa sa tsamba—kaya ano ang ikakahiya o ikakatakot ng isang hardinero para tanganan ang mga panawagang ito at kalampagin ang mga nasa poder o nasa gubyerno? Makatarungan din ang paghingi ng dagdag na suporta para sa produksyon, irigasyon, imprastraktura, kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyong panlipunan, kaya ano ang pipigil sa pagkamulat, pag-oorganisa, at pagkilos ng mga gardinerong bahagi ng milyon-milyong nagpapakain at nanunustos sa bayan?

“Ang tsamba ay laro lang ng iilan,” dagdag ni Jeremy. Sa isang makauring lipunan, ang tsamba ay isa sa maraming ilusyong likha ng mga naghaharing uri. Habang naghihikahos ang marami para mairaos ang bawat araw, ang iilang nasa poder ay nagdaraos naman ng pana-panahong kaluwagan para panatilihin sa siklo ng produksyon ang mga gardinero at magbubukid. Sa labas ng mga tsambang ito, kontrolado nila ang mga presyo, ang buong merkado, kahit pa ang gubyerno, at gayon, ang mga buhay ng milyon-milyong Pilipino, para lang palakihin at payabungin ang alaga nilang halimaw—ang kapital. Pero katulad ng kahit ano pa mang halimaw, mapupuksa rin ito. Ang mas malaking hamon ay ang pagpuksa sa mga among nag-aalaga sa mga halimaw katulad nito. “Dapat lang na kaming mahihirap ay magtipon at lumaban, upang matalo sila at mawakasan ang laro nila.


Inilathala ang pinaiksing bersyon ng artikulong ito sa Ang Bayan December 7, 2022, ‘Ginintuang Gulay

AB: Ang Pakikipagsapalaran ni Jeremy Gardinero