Koresponsal Ginintuang gulay

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Tampulan ng kantyaw ng mga Pilipino nitong nagdaang mga linggo ang “ginintuang sibuyas” dahil sa taas ng presyo nito at ibang bilihin sa pamilihan. Pero paglilinaw ng mga magsasaka ng sibuyas sa Nueva Ecija, wala silang pakinabang sa animo’y pang-milyunaryong presyo nito, at sa katunayan ay lubog sila sa utang. Tulad nila, ito rin ang kalagayan ng mga magsasaka ng patatas sa Benguet.

Noong Setyembre, nasa ₱109.84 kada kilo ang presyo ng patatas sa Pilipinas. Hindi man ito ang pinakamahal sa mundo tulad ng sibuyas, malayong mas mataas ito sa bilihang ₱30 kada kilo mula sa magsasaka. Gayundin ang kaso ng repolyo, na ₱300 ang bentahan kada kilo, pero binibili lamang ng ₱50 kada kilo sa magsasaka.

Isa sa mga magsasaka (o hardinero) na ito si Jeremy, na nagtatanim ng patatas sa sariling pag-aaring 2,500 metro-kwadradong lupa o sangkapat ng ektaryang lupa kasama ng kanyang anim na kapatid. Ibinabagsak nila ang kanilang ani sa Nueva Vizcaya Trading Post, na apat na oras mula sa kanilang lugar.

Tatlong buwan ang haba ng isang siklo ng pagtatanim ng patatas. Sa kaso ni Jeremy, nakahihiram siya ng traktora sa kanilang tiyuhin kaya hindi siya nagbabayad ng upa nito. Gumastos siya ng pang-gasolina (₱1,360) at sinahuran niya ang opereytor para sa tatlong araw na trabaho (₱3,000). Sa halagang ₱70 kada kilo, ₱28,000 ang ginastos niya para sa 400 kilo ng semilya ng patatas. Nakaasa ang paglago ng patatas sa abono at pestisidyo kaya malaking bahagi ng kanyang pondo ay napupunta sa pagbili ng ipot ng manok (₱7,200) at urea (₱10,000), at samu’t saring kahon at pakete ng mga kemikal na pang-spray. Sa kabuuan, umaabot sa ₱39,700 ang gastos para sa pataba at pestisidyo.

Nitong taon, malaking pasakit kina Jeremy at katulad niyang hardinero ang pagsirit ng presyo ng urea mula ₱1,200 tungong ₱2,400, pagsirit ng presyo ng gasolina, pati na rin ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin. Bukod pa ang mga ito sa dati nang sakit nila sa ulo na walang sagkang importasyon at ismagling ng mga gulay at ibang agrikultural na produkto (kadalasan mula sa mga bansang may subsidyo ng gubyerno ang produksyon pang-agrikultura) na lalong humila pababa ng presyo ng bilihan ng patatas mula sa kanila.

Sa kabuuan, umaabot sa ₱167,060 ang kabuuang gastos ni Jeremy kada siklo ng taniman. Pinakamalaking bahagi nito ang ₱86,260 na gastos para sa farm inputs na kalakhan ay imported. Nasa ₱21,000 ang gastos niya para sa transportasyon at dagdag na ₱4,500 para sa iba pang bayarin sa pagbyahe ng produkto (toll fee, parking fee at iba pa). Ang 10% ng kanyang kabuuang kita ay iaawas bilang bayad sa interes ng kanyang utang.

Sa kalkulasyon niya, nasa ₱37,300 ang halaga ng nagamit na lakas-paggawa (upahan at kapamilya) para sa buong siklo—mula sa paghahanda ng lupa, pagtatanim, paghahakot ng tae ng manok, kada dalawang araw na pag-ispray ng pestisidyo, pag-ani hanggang deliberi.

Sa presyong ₱30 kada kilo, naibenta ni Jeremy ang naaning 6,000 kilo ng patatas sa halagang ₱180,000. Menos lahat ng gastos, ₱12,940 lamang ang naiwan sa kanya, katumbas sa ₱143.78 kada araw. Wala pa itong kalahati sa itinakdang ₱300 na minimum na sahod sa rehiyon, at 13% lamang sa ₱1,100 nakabubuhay na arawang sahod.

Taun-taon, tiyak ang pagtataas sa gastos sa produksyon ng mga hardinero habang depende sa panahon at sa kapritso ng komersyante ang presyo ng kanilang ani.

Sa panahong luging-lugi ang bentahan ng kanilang ani, nabubuhay si Jeremy at kapwa niya hardinero sa kaayusan ng mutwal na tulungang tinatawag na “ub-ubbo” o kooperasyong walang katumbas na pera. Libre nilang ibinibigay ang kanilang lakas-paggawa sa kapwa hardinero kapalit ng lakas-paggawa naman ng iba sa kanilang sakahan.

Nakatataba man ng puso ang kanilang pagdadamayan, hindi nito maitatago ang pagdurusa at kahirapan nila at kanilang mga pamilya. Habang napipilitan silang magpakasapat sa maliit na kita, tiba-tiba sa tubo ang mga kumpanyang multinasyunal na nagbebenta ng napakamahal na mga farm input, usurerong naghuhuthot ng napakataas na interes, mga komersyanteng bumabarat sa kanilang ani at gubyernong nagtutulak ng importasyong lalong humihila sa presyo ng mga produktong agrikultural.

Para sa buong kwento ng mga hardinero ng patatas sa Ifugao, basahin ang “Ang pakikipagsapalaran ni Jeremy Hardinero” sa www.philippinerevolution.nu.

Ginintuang gulay