Araw kontra malalaking dam, ginunita sa protesta sa DENR

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga grupo ng pambansang minorya at tagapagtanggol ng kalikasan sa upisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Avenue, Quezon City noong Marso 14 para tutulan ang pagtatayo ng malalaking dam sa bansa at igiit na protektahan ang mga ilog.

Isinagawa ang protesta kasabay ng paggunita sa buong mundo ng International Day of Action for Rivers and Against Large Dams. Dumalo sa pagkilos ang mga kasapi ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at Kalikasan People’s Network for the Environment. Sinimulang gunitain ang araw laban sa malalaking dam noong 1997.

Ayon sa mga grupo, pinatitindi ng pagtatayo ng mapanirang mga proyektong dam ang pagkawasak ng kalikasan, mga paglabag sa karapatang-tao, pagnanakaw sa kabuhayan, kultura at seguridad sa pagkain sa mga katutubong komunidad.

“Isinasapanganib ng mga mega dam ang kaayusan ng ekosistema at ang mismong kaligtasan ng mga komunidad na nakasalalay sa mga ilog na ito para sa kanilang kabuhayan,” ayon kay Beverly Longid, pambansang kumbenor ng Katribu.

Kabilang dito ang banta na hatid ng GENED Hydroelectric Power Project na itatayo sa Apayao, isang prubinsyang maituturing na key biodiversity area (KBA). Isasapanganib ng dam ang mga komunidad ng Isnag at ang may 105 species ng halaman at 51 species ng ibon. Maaapektuhan naman ng Kaliwa Dam project sa Rizal at Quezon ang 5,000 Dumagat-Remontado at 100,000 indibidwal sa kalapit na mga komunidad, at isasapanganib ang 126 species sa Sierra Madre.

Ibinigay ding halimbawa ng Katribu ang planong pagtatayo ng Cabacanan Small Reservoir Irrigation Project sa Ilocos Norte na magsasapanganib sa mga komunidad dahil itatayo ito malapit sa mga fault line (biyak sa lupa na bulnerable sa mga lindol). Palalayasin din nito ang maraming komunidad ng Isnag. Kinahaharap naman ng mamamayang Tumandok sa Panay ang pagtatayo ng Jalaur Mega Dam Project na magpapalayas sa 17,000 Tumandok.

Naitala ng grupong Katribu ang operasyon ng 15 malaking dam sa bansa noong 2023. Liban dito, hindi bababa sa 117 proyektong dam ang itinulak ng administrasyong Duterte. Marami dito ay ipinagpatuloy ng rehimeng Marcos.

Kakambal ng pagtatayo ng malalaking dam na ito, binubuhusan ng daan-daang pwersang militar at pulis ang mga komunidad na sasaklawin ng mapangwasak na mga prokeyto. Anang Katribu, may malaking pananagutan ang gubyerno ng Pilipinas at mga korporasyon sa militarisasyon ito na lumalabag sa karapatan ng mga katutubong minorya at maging sa proseso ng estado na Free, Prior and Informed Consent (FPIC) sa paggamit ng mga lupang ninuno.

“Nagiging kasangkapan pa ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para labagin ang FPIC ng mga katutubong mamamayan. Iniraratsada ng komisyon ang paglalabas ng FPIC sa pamamagitan ng pagkuha ng pekeng mga pirma at bogus na konsultasyon,” pagbabahagi ni Longid.

Sa harap ng mga pagsubok na ito, nanindigan ang Katribu sa pagtatanggol nila sa lupang ninuno at mga ilog. “Ang pakikibaka ng katutubong mga pamayanan sa Pilipinas ay bahagi ng pakikibaka para sa pambansang patrimonya at soberanya. Nananawagan kami na makiisa ang lahat sa pagtatanggol sa mga ilog, lupang ninuno at itaguyod ang karapatan ng mga katutubong komunidad,” pagtatapos niya.

AB: Araw kontra malalaking dam, ginunita sa protesta sa DENR