Araw ng Kababaihan, ipinagdiwang

Noong Marso 8, nagtipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang libu-libong kababaihan at mga demokratikong organisasyon para ipagdiwang ang Araw ng Kababaihan. Sa pangunguna ng grupong Gabriela, panawagan nila: “Kababaihang anakpawis, ipagdiwang ang patuloy na lumalakas na diwa ng paglaban ng kababaihan at
bayan.”

Sa kanilang mga rali, pinatampok nila ang kagyat na mga hiling para sa kabuhayan, kalusugan at karapatan. Binatikos nila ang pahirap, korap, papet at pasistang Marcos-Duterte at tinuligsa ang kawalang aksyon ng gobyerno sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.

“Karinyo-brutal itong big-time oil price hike at ikasampung linggo ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa mismong Araw ng Kababaihan. Walang pagkakaiba ito sa nambubugbog ng asawa na hindi nagsasawang mang-abuso hangga’t hindi namamatay ang babae,” pahayag ni Joms Salvador, Secretary General ng Gabriela.

Sa isang pamilya na kumikita lamang ng P500 o mas mababa pa kada araw, malaking tulong na ang pagbawas ng ilang piso lalo’t habang tumataas ang presyo ng langis at mga bilihin, hindi naman tumataas ang sahod ng manggagawa. Sa pinakahuling sarbey naman ng Philippine Statistics Authority (PSA), 58.2% na gastos ng pamilyang may mababang kita ay napupunta lamang sa pagkain (2018 data).

Tinalakay ang iba’t ibang isyu ng mga sektor, kabilang ang paglaban sa karahasan kontra kababaihan, pagpapalaya sa mga babaeng bilanggong pulitikal, pagpapababa ng presyo ng langis at bilihin, pagtataas ng sahod, at pagtutol sa tambalang Marcos-Duterte sa eleksyon. Naglulunsad din ng iba’t ibang pag-aaral at kultural na pagtatanghal ang mga dumalo sa pagdiriwang.

Dagdag ni Salvador, “Maituturing nang krimen sa kababaihan at mamamayan ang kawalang-aksyon ng gobyerno kahit halos mamatay na sa gutom at hirap tayong mamamayang hindi na makahinga sa epekto sa mga bilihin ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.”

Sa pagtatapos ng programa hinatulan ng kababaihan sina Marcos at Duterte na may sala sa pagpapahirap sa mamamayan. Pagkatapos ng protesta sa Mendiola ay nagtungo na ng Liwasang Bonifacio sa Maynila kung saan may mas malaking pagtitipon ng kababaihan.

Noong Marso 8, nagdaos din ng pagkilos ang mga kababaihan sa iba’t ibang panig ng bansa noong Marso 8.

Sa Baguio, nagtipon ang Innabuyog-Gabriela at Innabuyog-Youth, mga Katutubo, at mga organisasyon ng kababaihan sa Cordillera sa isang programa sa Igorot Park, Baguio City. Nagsuot ang mga babaeng IP ng katutubong kasuotan at nakiisa sa pandaigdigang aksyong masa upang wakasan ang karahasan laban sa lahat ng kababaihan.

Sa Southern Tagalog, nagsama ang mga grupong Gabriela, MAKATA at iba’t ibang grupo ng kababaihan, mga taga suporta ni Vice President Leni Robredo, mga organisasyon ng kabataan, unyon at alyansa sa isang caravan na nagsimula sa bayan ng Rosario sa Cavite. Meron ding isinagawang “Women’s Fair” sa Dasmariñas.

Nakapagdaos naman ang Gabriela Women’s Party Bicol, kasama ang iba pang progresibong organisasyon ng programa upang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Sa Southern Mindanao, nagsagawa ng kilos protesta ang mga kababaihan sa Freedom Park, Davao City.

Kasaysayan ng Marso 8 bilang Araw ng Kababaihang Manggagawa

Ipinagdiriwang sa buong daigdig ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Isa itong taunang pagdiriwang na sinimulang kilalanin ng United Nations noong 1975. Subalit ang binhi ng pagdiriwang na ito ay itinanim noon pang 1908, nang magmartsa ang 15,000 kababaihang manggagawa sa New York City, sa United States, para ipanawagan ang mas maiksing oras ng paggawa, umento na sahod at karapatang bomoto.

Noong 1910, nang ginanap ang pangalawang pandaigdigang kumperensya ng kababaihang manggagawa sa Copenhagen, iminungkahi ni Clara Zetkin isang komunista buhat sa Germany na magkaroon sa lahat ng bansa ng iisang araw ng pagdiriwang – isang Araw ng Kababaihan upang igiit ang kanilang mga kahilingan. Ang naturang mungkahi ay inaprubahan ng 100 kababaihan mula sa 17 bansa na kumakatawan sa mga unyon, sosyalistang partido, iba pang samahan ng mga kababaihang manggagawa at nagresulta ang pagtatakda ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Sa sumunod na taon, mahigit isang milyong kababaihan at kalalakihan ang dumalo sa pagdiriwang nito para ipaglaban ang karapatan ng kababaihan sa paggawa, bumoto, sanayin maging isang pampublikong upisyal at wakasan ang diskriminasyon sa kanilang hanay. Subalit paglipas lamang ng ilang araw, noong Marso 25, naganap ang trahedyang ‘Triangle Fire’ sa New York City, kung saan 140 manggagawang kababaihan ang namatay. Ang kaganapang ito ay kumuha ng atensyon sa mga kundisyon sa pagtatrabaho at batas sa paggawa sa Estados Unidos.

Noong 1917, nagbangon ang mga kababaihan sa Russia para sa kampanyang Bread and Peace bilang protesta sa pagkamatay ng isang milyong sundalong Ruso noong unang digmaang pandaigdig. Nagpatuloy ang paglaban ng kababaihan hanggang mapatalsik ang mga Tsar at naitatag ang rebolusyonaryong gobyernong probisyunal at naibigay sa kababaihan ang karapatang bumoto. Marso 8 ang araw na ito sa Gregorian Calendar. Dito na rin nagsimulang kilalanin ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Sa Pilipinas, matagal nang ginugunita ang Marso 8 sa militanteng paraan upang isigaw ang mga panawagan para sa paghahanap ng hustisyang panlipunan hindi lamang para sa kababaihan kundi para lahat ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

AB: Araw ng Kababaihan, ipinagdiwang