Asembliya ng mga manggagawa sa Central Luzon noong Mayo Uno, ginipit ng mga pwersa ng estado
Ginipit nang mga tauhan ng rehimeng Marcos mga magtitipong manggagawa sa pangunguna ng Workers Alliance of Region III-Kilusang Mayo Uno (WAR III-KMU) noong Mayo 1 sa Angeles City. Pinalibutan ng armadong mga pwersa ng estado ang pagtitipunang bulwagan bago pa makarating ang mga kalahok, liban sa maraming iba pang mga pulis ang maghapong pumwesto sa mga daanan patungo doon. Bunga nito, napwersa ang mga manggagawa na lumipat ng lugar ng pagtitipon.
Kinundena ni WAR III Chairperson Ka Pol Viuya ang panunupil na ito ng mga pwersa ng estado. Sa panayam ng The Angelite, pahayagang pangkampus ng Holy Angel University sa syudad, kinundena rin niya ang pagmamanman ng estado sa mga kilos at paniniktik sa kanilang komunikasyon.
Sa naging alternatibong pagtitipon ng mga manggagawa, ibinahagi ng pangalawang tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Gitnang Luson na si Arnie Gallardo ang kalagayan ng mga manggagawa sa rehiyon sa mga pabrika’t pagawaan, at ang usapin ng umento ng sahod na hindi tinutugunan ng estado.
Sa Central Luzon, nananatiling nakapako sa ₱500 ang arawang sahod ng mga manggagawa. Malayo ito sa taya na ₱1,158 na halaga ng nakabubuhay na sahod sa rehiyon noong Marso.
Liban dito, kinundena rin nila ang charter change na itinutulak ng rehimeng Marcos at ang pagpayag nito na kaladkarin ng imperyalistang US ang Pilipinas sa gera laban sa katunggaling imperyalistang China.
Bilang alternatibong aktibidad sa pagdalo sana sa asembleya, naglunsad ng isang pangkalahatang pulong ang mga upisyal at kasapi ng Far East Alcohol Labor Union-ANGLO-KMU sa Apalit.
Sa Castillejos, Zambales, nagtipon ang mahigit 300 na manggagawa ng Seatrium Subic Shipyard (dating Keppel) para gunitain ang Pangdaigdigang Araw ng Paggawa. Naghahanda rin ang unyon para sa darating na collective bargaining agreement nila sa Hulyo.
Nagtipon naman sa harap ng lugar-pagawaan ang mga manggagawa ng Umicore sa Subic, Zambales, kasama ang Central Luzon Workers for Wage Increase para igiit ang dagdag sahod, kabuhayan, at pagsulong at pagprotekta sa kanilang mga karapatan.