Ayuno laban sa EJK at para sa hustisya, inilunsad ng Himamaylan 3
Tatlong bilanggong pulitikal ang naglunsad ng ayunong protesta bilang paggunita sa madugong operasyon ng mga pulis at sundalo sa tatlong bayan sa Negros Oriental na pumaslang sa 14 magsasaka sa loob ng 24 oras.
Nag-ayuno noong Marso 30 sina Ramon Patriarca, NDFP peace consultant, at mga aktibistang sina CJ Matarlo at John Michael Tecson, tinaguriang Himamaylan 3, dahil sa pag-aresto sa kanila sa naturang syudad noong Marso 13. Nakadetine sila sa Himamaylan Police Station sa gawa-gawang kasong kriminal.
Tinagurian nilang Fasting against Extrajudicial Killings ang kanilang protesta sa madugong kampanyang SEMPO 2 (Synchronized Enhanced Managing of Police Operations). Ang kampanyang ito ay nakapailalim sa Operation Sauron ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police PNP.
Ayon sa pahayag ng Himamaylan 3, ang isang araw na pag-aayuno o fasting ay naglalayon na ipakita na walang bilangguan ang makapipigil sa panawagan para sa hustisya sa mga biktima ng SEMPO at EJK.
Sa kanilang sulat-kamay na pahayag, inilantad ng Himamaylan 3 na mula noong 2016, umabot na sa 110 ang pinatay na aktibista at mga tagasuporta ng progresibong organisasyon sa buoong Negros.