Bahay sa Bulacan ng lider-pesante ng KMP, nireyd ng militar at pulis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nireyd at hinalughog ng mga sundalo ng 80th IB at pulis ang bahay ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalahim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at tagapagsalita ng Tanggol Magsasaka, sa Barangay San Roque, San Jose del Monte City sa Bulacan kahapon ng umaga, Hunyo 18. Sapilitang pinasok ng mga pwersa ng estado ang bahay ni Manalo kahit walang tao. Pinalalabas ng militar at pulis na nakuha dito ang ripleng M16, isang shotgun, granada, laptop, at mga subersibong dokumento.

Kinundena ng mga grupo ng magsasaka at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao ang iligal na reyd ng mga sundalo at pulis sa bahay ni Manalo. Anila, itinanim lamang ng mga pulis ang sinasabing ebidensyang armas at kagamitang nakuha sa bahay.

Bago nito, biktima na ng walang-tigil na Red-tagging, pananakot at intimidasyon mula sa mga pwersa ng estado si Manalo dahil sa kanyang paglaban sa pang-aagaw ng lupa ng mga Araneta sa kanilang lugar. Noong 2022, “inimbitahan” para sa isang “dayalogo” ang pamilya ni Manalo sa barangay hall. Kabilang din si Manalo sa grupo ng mga magsasaka na pinagbabaril ng mga maton ng Araneta Properties Inc. sa kinakamkam na lupa nito sa Sitio Ricafort, Barangay Tungkong Mangga.

Samantala, kasabay ng reyd ay nagbuhos ng halos 100 pinagsanib na pwersa ng mga sundalo at pulis sa Barangay San Roque, Barangay Paradise 3, at Barangay Tungkong Mangga. Labis na takot at pagkagambala sa kapayapaan at kabuhayan ang idinudulot nito sa mga komunidad ng magsasaka.

Simula pa 2018, militarisado na ang maraming mga barangay sa San Jose del Monte City. Nanatiling nakakampo ang mga sundalo sa mga sentro ng komunidad bilang bahagi ng sinasabing programang Community Organizing for Peace and Development (COPD). Sa tulak ng mga operasyong ito, sapilitang pinapa-“clear” ng mga sundalo ang pangalan ng mga residente sa barangay at munisipyo sa mga kasong wala naman silang kinalaman. Noong 2022, kabilang sa mga ginipit din ng mga pwersa ng estado si Cecilia Rapiz, lider ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB).

Sa panibagong kaso ng paglabag sa karapatang-tao at reyd sa bahay ni Manalo, kaagad na nagtungo ang mga lider ng KMP, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at ACT Teachers Party-list representative France Castro sa upisina ng lokal na gubyerno ng San Jose del Monte para makipagdayalogo sa meyor ng syduad.

AB: Bahay sa Bulacan ng lider-pesante ng KMP, nireyd ng militar at pulis