Bai Bibyaon, magiting na lider ng Talaingod Manobo at pambansang minorya, pumanaw na
Inianunsyo ng grupong Sabokahan Unity of Lumad Women noong Disyembre 6 ang pagpanaw ng magiting na lider ng mga Talaingod Manobo na si Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay noong Nobyembre 20. Pinamunuan niya ang iba’t ibang pakikibaka ng Lumad mula Mindanao hanggang Metro Manila. Ayon sa grupo, pumanaw siyang kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
“Kung mawawala na ako, magiging maningning na gabay ako para sa inyong lahat. Huwag kayong sumuko, sa halip ay ipagpatuloy ang pakikibaka,” huling mga salitang binitiwan ni Bai Bibyaon bago pumanaw, ayon sa Sabokahan.
Ayon sa grupo, tulad ng hiling ni Bai Bibyaon ay inilibing siya kaagad matapos pumanaw. “Kahit namahinga na ang kanyang katawan, ang kanyang matapang na diwa at hindi magmamaliw na legasiya ay mabubuhay sa ating pakikibaka,” ayon sa Sabokahan.
Si Bai Biyaon ay nagmula sa liblib na komunidad ng mga Lumad sa Pantaron Range sa Natulinan, Talaingod, Davao del Norte. Ipinanganak siya 90 taon na ang nakalilipas sa mga magulang na parehong Matigsalug-Manobo. Ang katawagang Bai ay isang pagkilala sa kanya at ang “Bibyaon” ay idinagdag nang siya ay naging lider ng kanyang tribu. Siya ang kauna-unahang babaeng lider na hinirang sa tribung Talaingod-Manobo.
Simula 1980 ay pinamunuan ni Bai Bibyaon ang pakikibaka ng mga Lumad para sa karapatan sa sariling-pagpapasya. Malaki ang kanyang ginampanang papel sa pagtataboy sa mapanirang pagtotroso ng kumpanyang Alcantara & Sons sa kabundukan ng Talaingod noong 1993. Susi ang kanyang naging tungkulin sa pagbubuklod sa mga Lumad para maglunsad ng “pangayaw,” isang tradisyunal na pakikidigma ng mga Lumad para sa pagtatanggol sa lupang ninuno at kabuhayan.
Naging katuwang ng mga komunidad si Bai Bibyaon sa pagtatatag ng konseho ng Salugpungan Ta Tanu Igkanugon noong 1986. Ang konsehong ito ang nanguna sa pagtatayo ng mga paaralang Lumad sa Mindanao na kalaunan ay ipinasara ng rehimeng US-Duterte.
Bahagi din si Bai Bibyaon ng asembleya ng Mindanao Peoples Federation (LMPF) noong 1986 na nagsama-sama bilang tugon sa banta ng etnosidyo, at nagkaisang gamitin ang terminong “Lumad” para bigyan ng pampulitikang kapangyarihan at nagbubuklod na pagkakakilanlan ng 18 tribung etnolinggwistiko sa Mindanao.
Siya rin ang tagapangulong tagapagtatag ng Sabokahan To Mo Lumad Kamalitanan o Sabokahan Unity of Lumad Women. Naging mahigpit na kaisa siya ng iba pang mga grupo ng pambansang minorya sa pagbubuo ng mga pambansang samahan at organisasyong magtatanggol sa lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya. Nakatanggap din si Bai Bibyaon ng iba’t ibang lokal at internasyunal na pagkilala sa kanyang pagtindig para sa pambansang minorya.
Sa kanyang pagpanaw, pinarangalan at kinilala siya ng iba’t ibang mga organisasyon sa kanyang magiting na paninindigan at pagtatanggol sa karapatan ng mga pambansang minorya.