Balita

Bangsamoro Mindanao, pinakatinamaan ng bagyo

,

Lumubog sa tubig at putik ang bagong-hati na prubinsya ng Maguindanao nang tumama dito ang bagyong Paeng noong madaling araw ng Oktubre 27. Pinakamatindi ang epekto sa Brgy. Kusiong sa bayan ng Datu Odin Sinsuat. Ngayong araw, umabot na sa 20 mga bangkay ang nakuha sa naturang lugar, mahigit 1/5 sa kabuuang bilang na namatay (98) sa buong bansa. Lima pang residente ang hinahanap at pinangangambahang nalunod sa putik at baha. Walang nasalba ang marami sa kanilang mga ari-arian at wala na rin silang mauuwiang bahay.

May dayametro na 1,100 kilometro ang bagyong Paeng at limang beses itong nag-landfall sa pagitan ng Huwebes at Sabado. Umaabot sa 1.8 milyong indibidwal ang apektado nito. Mahigit 200,000 sa kanila ang nasa mga evacuation center. Tinatayang umaabot na sa 4,188 bahay at 37 gusali ang nasira. Nasa P435 milyon na ang tayang pinsala nito sa agrikultura.

Pinakamatindi ang pagbaha sa Mindanao kung saan 53 sa 58 kumpirmadong patay ang naitala.

Sa gitna ng lahat ng ito, lumaganap ang tanong na #NasaanAngPangulo sa social media. Sabado na (Oktubre 30) nang nagpatawag si Ferdinand Marcos Jr ng command conference ng mga ahensyang sangkot sa disaster response. Hindi siya nakita sa briefing na naturang mga ahensya na isinagawa kaninang umaga. Lumitaw na lamang siya kaninang sa hapon sa Cavite para kunwa’y mamahagi ng relief goods.

AB: Bangsamoro Mindanao, pinakatinamaan ng bagyo