Bantog na aktibistang manunulat na Indian, ginigipit ng estado

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binigyan-daan ng reaksyunaryong estado ng India ang pagkakaso laban sa bantog na nobelistang si Arundhati Roy sa ilalim ng Unlawful Activities (Prevention) Act o UAPA, ang pasistang batas kontra “terorismo” sa bansa. Si Roy ay inaakusahan ng sedisyon at “disruption of social harmony” batay sa kanyang talumpati noong 2010 kung saan sinabi niyang hindi integral na bahagi ng India ang Kashmir, at kinilala ang pagsasarili nito. Noong Hunyo 14, sinang-ayunan ng Lieutenant Governor ng Delhi na si VK Saxena ang prosekusyon kay Roy, kasama ang propesor ng Central University of Kashmir na si Sheik Showkat Hussain sa nabanggit na mga kaso.

Kilala si Roy bilang awtor ng “God of Small Things,” isang nobelang nanalo ng prestihiyosong Booker Prize noong 1997. Kilala rin siya sa kanyang aktibismo laban sa dayuhang mga dam na sumisira sa kalikasan at nang-aagaw ng lupa mula sa mga Adivasi. Marami siyang inakdang mga artikulo kaugnay sa mapaminsalang epekto ng mga patakarang neoliberal at malalalang paglabag ng estadong Indian sa mga karapatang-tao ng mamamayan. Isa si Roy sa pinakamariing kritiko ng pasistang estado ng India, laluna ng naghaharing Bharatiya Janata Party.

Noong 2011, inilathala niya ang librong “Walking with Comrades,” na naglalaman ng kanyang karanasan at mga kwento mula sa kanyang maiksing pagbisita sa isang yunit ng People’s Liberation Guerilla Army ng Communist Party of India (Maoist). Sa librong ito, kinundena niya ang kontra-insurhensyang operasyong “Green Hunt” na sinasabing nakatuon sa kilusang komunista pero sa aktwal ay prente para hawanin ang daan para dambungin ng mga korporasyong mina ang mayayamang rekurso ng mamamayang katutubo ng India.

Katulad ang Green Hunt sa ngayo’y ipinatutupad na Operation Kagaar sa layunin nitong palayasin ang mga katutubo sa kanilang mga komunidad sa tabing ng kontra-insurhensya para bigyan-daan ang pandarambong ng malalaking dayuhang korporasyon.

Kinundena ng PEN International, isang grupo ng progresibong mga manunulat, ang pagbubukas ng estadong Indian para masampahan ng kaso sina Roy at Prof. Hussain. Binatikos nito ang UAPA bilang pasistang batas na nagbibigay sa estado ng kapangyarihang mang-aresto at magkulong ng mga indibidwal kahit walang nakasampang kaso.

Liban kay Roy, marami nang di makatarungang ikinulong na mga manunulat, akademiko at mamamahayag ang estadong Indian gamit ang batas na ito. Nilalabag nito ang nakaparaming batayang mga karapatan, kabilang ang karapatan sa malayang pagpapahayag.

Binatikos rin ng UN Human Rights Office ang panggigipit ng estado kay Roy at sinabing paraan ito para patahimikin siya at katulad niyang mga kritiko ng gubyerno.

AB: Bantog na aktibistang manunulat na Indian, ginigipit ng estado