Balita

Brutal na yunit ng 75th IB, inambus ng BHB-SDS

Tatlo ang patay at isa ang sugatan sa nag-ooperasyong tropa ng Charlie Company ng 75th IB nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma sa Barangat Mahaba, Marihatag, Surigao del Sur noong Oktubre 6.

Nakasakay ang mga sundalo sa tatlong motorsiklo nang ambusin sila bandang ala-7:35 ng umaga. Pinaulanan sila ng bala ng mga mandirigma sa lapit na pitong metro. Pitong minuto na nakipagpalitan ng putok ang mga sundalo. Ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma matapos nito.

“Ang ambus ay bahagi ng nagpapatuloy na kontra-opensiba laban sa pang-aatake ng militar sa rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya,” pahayag ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng BHB-SDS ngayong araw. Tugon din ito sa pinatindi at malawakang operasyong militar at mga paglabag sa karapatang-tao ng 75th na tinawag ni Ka Sandara na “saksakan ng brutalidad.”

“Ipinagmamayabang ng AFP na halos naggapi na nito ang rebolusyonaryong kilusan at armadong paglaban sa Surigao del Sur at sa buong bansa,” ani Ka Sandara. “Pero ang totoo, habang nagpapatuloy ang brutal at pasistang gawain ng mga sundalo, paparami ang natutulak na mga biktima at mamamayang api na magkaisa at mag-armas laban sa estado”

Ani Ka Sandara, hamon sa mamamayan na matatag na labanan ang pasismo ng estado at palakasin ang ugnayan ng masa at hukbong bayan para talunin ang mga operasyong militar ng naghuhuramentadong kaaway at isulong ang digmang bayan hanggang tagumpay.

AB: Brutal na yunit ng 75th IB, inambus ng BHB-SDS