Bulok at palpak ang dekompyuter na botohan, ayon sa Kontra Daya

,

Iniulat ng grupong Kontra Daya at Vote Report PH kahapon, Mayo 11, na patuloy pa rin silang nakatatanggap at nagbeberipika ng mga ulat kaugnay sa mga insidente ng anomalya at problema sa isinagawang eleksyon noong Mayo 9. Sa kanilang tala, umaabot na sa 1,370 ang kumpirmadong ulat sa kabuuang higit 4,000 ulat na kanilang natanggap.

Sa mga kumpirmadong ulat, 577 (42%) sa mga ito ay kaugnay ng pagkasira o problema sa mismong makina sa eleksyon (vote counting machine). Naitala rin ang 152 kaso ng iligal na pangangampanya na ipinagbabawal na sa mismong araw ng eleksyon, 109 ulat ng pagbili ng boto at 66 na kaso ng red-tagging.

“Pinatutunayan nito na sa kabila ng pahayag ng Commission on Elections (Comelec), batbat ng mga insidente ng pandaraya at disimpormasyon ang eleksyong 2022,” ayon sa Kontra Daya.

Ang ulat ng pagkasira ng mga makina sa eleksyon ay kinabilangan ng mga makinang iniluluwa ang mga balota, walang resibong inilalabas o sa pinakamalubha ay mismong pagpalya ng makina. Sa kabila ito ng mga umano’y paghahanda at pagsubok sa mga makina ilang araw bago ang mismong eleksyon.

Dahil sa mga problemang ito, matagal na naghintay ang ilanlibong botante sa pila para sa mga kapalit na makina. Sa isang kaso sa Quezon City, dumating ang kapalit na makina noong Mayo 10 na ng umaga. Ang iba ay napilitan na lamang iiwan ang kanilang mga balota na bulnerable sa manipulasyon at pagpapalit ng boto.

Idinidiin ng Kontra Daya na ang “maramihang ulat na natanggap nila ngayong taon ay nagpapatunay lamang na palpak ang automated election system na bantayan ang pagiging sagrado ng balota.”

Kinastigo ng Kontra Daya ang Comelec at ang kontraktor ng sistema ng eleksyon na Smartmatic at ang F2 Logistics para tiyakin ang maayos at malinis na eleksyon.

Para sa Kontra Daya, mahirap sa mga botante na magkaroon ng kumpyansa sa isang eleksyong batbat ng mga problema at pagkasira ng makina. Dagdag pa rito ang napakaraming ulat ng hindi maayos na proseso ng pag-iimbak ng mga balota at resibo.

Dahil sa mga problemang ito, sunud-sunod ang mga protesta ng mga demokratikong grupo, laluna ang mga kabataan, para batikusin ang isinagawang eleksyon na para sa kanila ay batbat ng pandaraya at anomalya.

Ayon sa Kontra Daya, nakakawalang-kumpyansa rin ang resulta ng eleksyon dahil sa kawalan ng proseso ng pagrerebyu sa lihim na source code o programa ng mga makina. “Dahil ang software at hardware ng mga makina ay parehong pag-aari at protektado lamang ng Smartmatic, napakahirap na buung-buong tumaya sa proseso ng pagbilang ng boto ng makina,” dagdag ng grupo.

Simula pa dati ay kritikal na ang Kontra Daya at iba’t ibang mga demokratikong grupo sa dekompyuter na eleksyon sa bansa dahil hindi ito bukas at walang pananagutan. Giit nila, dapat palitan ng Comelec ang kasalukuyang sistema ng isang sistemang “transparent, bukas at gawang lokal.”

AB: Bulok at palpak ang dekompyuter na botohan, ayon sa Kontra Daya