Balita

Buwan ng mga Magsasaka, ginunita sa Mendiola

,

Nagmartsa kahapon tungong tulay ng Mendiola sa Lunsod ng Maynila ang mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta sa pagtatapos ng Buwan ng Magsasaka kahapon, Oktubre 21. Hinarang sila ng mga pulis habang nasa kahabaan pa lamang ng Recto Avenue.

Bago ng martsa, naglunsad ng protesta ang mga magsasaka mula sa Cagayan Valley, kasama ang mga progresibong grupo, sa Commission on Human Rights, Quezon City.

Itinaon ang martsa sa paggunita sa ika-50 taon ng Presidential Decree (PD) 27, ang huwad at kontra-magsasakang batas sa reporma sa lupa ng diktadurang Marcos. Ang kautusang ito ang nagsalba sa pinaborang mga panginoong maylupa ng diktadura, at nagsadlak sa krisis at hirap na hanggang ngayon ay iniinda ng mga magsasaka.

Mula 1985, taun-taon na pinangunahan ng Kilusang Magbubikid ng Pilipinas ang paglulunsad ng mga pagkilos at protesta sa araw na ito. Mahigpit na iniuugnay ang mga pakikibakang antipyudal ng masang magbubukid sa malawakang paglaban sa pasistang atake ng estado, Gayundin, ikinakawing ang mga paglabang ito sa pakikibaka ng mamamayan ng daigdig laban sa pagsasamantala at pagpapahirap ng mga dayuhang monopolyo.

“Patuloy na minumulto ng PD 27 ang mga Pilipinong magbubukid hanggang sa ngayon,” pahayag ng grupo sa pagsisimula ng Buwan ng Magsasaka noong Oktubre 2. “Ang modelo nito ng amortisasyon mula sa mga magsasaka at kumpensasyon para sa mga panginoong maylupa ay ipinagpatuloy sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Isinabatas sa ilalim ng rehimeng Cory Cojuangco-Aquino, ipinagpatuloy ng lahat ng sumunod na administrasyon ang CARP. Pinalawig din ito ng rehimeng Duterte.”

Ngayong taon, dala ng mga magbubukid ang panawagan para sa lupa, pagkain at karapatan.

Isang araw bago nito, naglunsad ng sunud-sunod na protesta sa pambansang mga upisina ng ahensya ng depensa, repormang agraryo, environment and natural resources at agrikultura ang mahigit isang daang magsasaka mula sa KASAMA-Timog Katagulagan. Ayon sa ulat ng KMP, nakipagdayalogo sila sa mga upisyal ng DA. Dala nila ang panawagang Lupa, Ayuda, Hustisya! Binigyang-pansin ng kanilang mga lider ang kaso ng isang magsasaka at isang bata na pinaslang ng berdugong militar sa Batangas sa tabing ng mga pekeng engkwentro.

Sa gabi, inilunsad nila ang isang pangkulturang pagtatanghal sa University of Philippines sa Diliman, Quezon City sa pangunguna ng mga organisayon ng kabataan bilang pakikiisa sa mga magsasaka.

Noong Oktubre 20, hinarang ng 201st IB at mga pulis ang 11 magsasaka at pinigilang dumiretso sa pambansang kabisera ang 11 magsasaka sa isang tsekpoynt sa Tiaong, Quezon. Isa sa kanila si Felizardo “Sarding” Repaso na kabilang sa makikipag-dayalogo sana sa DA.

 

AB: Buwan ng mga Magsasaka, ginunita sa Mendiola