COP26: Mga salarin sa climate change
Tulad sa nagdaang mga “climate change conference,” nagtapos muli sa mga pangako ang dalawang linggong United Nations (UN) Climate Change Conference na idinaos sa Glasgow, Scotland, United Kingdom (UK). Nagsimula ang tinaguring COP26 (o ika-26 na Conference of the Parties) noong Oktubre 31 at dinaluhan ng mahigit 2,500 delegado mula sa 200 bansa.
Inasahan sa naturang kumperensya na magsusumite ang mga kalahok na gubyerno ng magiging hakbang nila upang masawata ang pag-init ng temperatura ng daigdig. Ayon ito sa pinagkaisahan noong 2015 sa Paris, France. Sa kumperensyang iyon, nangako ang mga gubyerno na magbawas ng greenhouse gas (GHG o mga gas na nagkukulong ng init sa atmospera), na siyang pangunahing nagpapataas sa temperatura ng daigdig.
Pero para sa mga nagpoprotesta sa labas ng kumperensya, dapat singilin ang mayayamang bansa at malalaking korporasyon bilang mga salarin sa pagsira ng klima ng daigdig. Nangunguna ang China, US, India, Russia, Japan at Germany sa pagpapakawala ng mga GHG. Resulta ito ng walang pakundangang kapitalistang produksyon kabilang ang sa industriya ng enerhiya, manupaktura, transportasyon, industriyal na agrikultura, pagmimina, konstruksyon at iba pa.
Kabilang din ang militar ng US sa pinakamatitindi sa pagpakawala ng GHG, laluna ng mga eroplano nitong gumagamit ng jet fuel at lumilipad malapit sa atmospera. Mas malaki pa kaysa sa pinagsamang 140 bansa ang pinakakawalan nitong GHG.
Dominado ng malalaking bansa at korporasyon ang kumperensya. Nabunyag ang pagmaniobra ng Saudi Arabia, Japan at Australia na kumbinsihin ang UN na maghinay-hinay sa panawagang pawiin ang paggamit ng fossil fuel (langis, karbon o coal at natural gas). Kabilang sa mga dumalo ang mahigit 500 delegado mula sa industriya ng langis. Sa huling borador ng iniluwal na kasunduan sa COP26, itinulak ng China at India ang “pagbabawas” lamang ng paggamit ng karbon o coal sa halip na “pagpawi” nito.
Kinuripot din ng mayayamang bansa ang pagpondo sa mga programa ng mahihirap na bansa upang makaangkop sa climate change. Tatlong taon nang naaantala ang pagpapatupad ng $100 bilyong pondong pansuporta na pinagkaisahan sa Paris Agreement noong 2015, at sa 2030 pa masisimulan.
Dati nang pinaninindigan ng Partido Komunista ng Pilipinas na dapat pagmultahin ang mga dambuhalang korporasyon na mahabang panahong sumira at umabuso sa rekurso ng bansa.
Sinalubong ang COP26 ng laganap ang mga protesta na nilahukan ng mga katutubo, kabataan, syentista, at iba pang sektor mula sa iba’t ibang bansa. Sa tantya ng mga dyaryo sa UK, sa takbo ng buong kumperensya ay aabot sa mahigit dalawang milyon ang sumama sa mga protesta na isinagawa sa iba’t ibang araw at lugar sa bansa. Pinakamalaki ang protesta noong Nobyembre 6 sa Glasgow na nilahukan ng daanglibong demonstrador. Tumampok sa mga protesta ang paglahok ng mga progresibong organisasyon mula sa Pilipinas. Mayroon pang aabot sa 300 kilos-protestang inilunsad sa 100 bansa.
Tinuligsa ng mga nagprotesta ang pag-etsepwera ng kumperensya sa mga karaniwang mamamayan sa paghanap ng solusyon sa climate change. Kabilang sa mga ikinagalit nila ang makupad na mga hakbang ng mayayamang bansa at malalaking korporasyon. Idiniin nila na ang mga mamamayan ng mahihirap na bansa ang umiinda sa pinakamasasahol na pinsalang dala nito tulad ng mga pagbaha at tagtuyot.
Sa huling araw, nakiisa sa mga nagpoprotesta ang mga delegadong nag-walk out sa kumperensya dahil sa pagkadismaya sa resulta nito.
Tulad ng inaasahan, pawang hungkag na pangako ang binitawan ng mga delegado sa pagtatapos ng COP26. Nakikoro sa kanila si Finance Secretary Sonny Dominguez na myembro ng delegasyong ipinadala ng gubyernong Duterte. Ayon kay Dominguez, pagsapit umano ng 2030 ay babawasan nang 75% ang paggamit ng karbon sa Pilipinas.
Pero kabaligtaran nito ang pag-apruba ng Department of Energy noong 2020 sa 22 planta ng kuryente na pinatatakbo ng karbon. Kung ibibilang ito sa 28 plantang kasalukuyang pinatatakbo, tataas pa ng 53% sa 2030 ang paggamit ng Pilipinas ng karbon. Noong 2019 ay umabot ito ng 33.12 milyong metriko tonelada (MT) at lumaki tungong 33.24 milyong MT sa sumunod na taon. Mula naman 2018 ay dumami nang mahigit 30 ang nag-oopereyt na mina ng karbon sa bansa.