Dagdag na himpilan ng 80th IB sa isang barangay sa Antipolo City, perwisyo sa mamamayan
Inirereklamo ng mga residente ng Barangay San Jose, Antipolo City ang karagdagang himpilan ng 80th IB sa kanilang lugar. Nakatigil ang mga berdugo sa Libis ng Sityo San Ysiro, ang ika-18 na himpilan nito sa barangay.
Ang buong barangay ay isang malaking garison na ng 80th IB at iba pang mga pwersang militar. Noong Hunyo lamang naging 17 ang bilang ng himpilan sa barangay kung saan ang ilan sa mga ito ay isa hanggang dalawang taon na ang itinatagal.
Ang ilan sa mga ito ay kadikit sa mga bahay ng mga sibilyan at/o iba pang mga sibilyang istruktura tulad ng covered court, barangay at sityo hall, at iba pa. Labag sa internasyunal na makataong batas ang pagkakampo ng mga pwersa ng estado sa sentro ng populasyon.
Liban sa pagkakampo, naitala rin sa mga komunidad ng Antipolo City ang kaso ng pisikal na pananakit at pambubugbog ng elemento ng 80th IB na si Marvin Stamo. “Nangangahulugan lang ito na walang pakinabang na matatamo ang mamamayan sa pananatili ng AFP-PNP sa kanilang lugar, at sa halip ay perwisyo at karahasan lamang ang dadanasin nila sa ilalim ng kontrol ng 80th IB,” ayon kay Macario Liwanag, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command).
Ayon pa sa tagapagsalita, malinaw na pagpapataw ito ng de facto martial law o paghaharing militar sa barangay. “Malamang na kasabay ng tumitinding sarbeylans, harasment at karahasan at iba pang paglabag sa karapatang-tao ay pagtitiyak din sa lugar bilang site ng napipintong proyektong wind energy sa lugar,” aniya.
Dapat umanong kundenahin ng mamamayan ng Rizal ang kampo militar dahil magbibigay luwag ito sa pagpasok ng mapangwasak na mga proyekto sa syudad at buong prubinsya. “Dapat na magkaisa ang mga residente na igiit na palayasin ang 80th IB at SAF-PNP na nag-aastang maton at nagpapahirap sa mamamayang Rizaleño,” panawagan niya.