Dagdag-sweldo at seguridad sa trabaho, hindi konsyerto—mga manggagawang pangkalusugan

,

Umalma ang mga manggagawang pangkalusugan sa ilulunsad na “Konsyerto sa Palasyo Para sa Ating Mga Healthcare Workers” sa Hunyo 30 ng Malacañang na gagasta ng milyun-milyong piso. Para sa kanila, walang saysay ang ganitong mga aktibidad at konsyerto kung tengang-kawali naman ang rehimeng Marcos sa mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawang pangkalusugan. Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), ang konsyerto ay manipestasyon na hindi siniseryoso ng rehimeng Marcos ang kalusugan ng mamamayan at kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan.

“Ang kailangan namin ngayon ay hindi isang konsyerto na magbibigay ng panandaliang aliw. Ang kailangan ng mga manggagawang pangkalusugan ay kagyat na pagtataas ng sweldo, seguridad sa trabaho, mass hiring ng regular na mga manggagawang pangkalusugan, pagbibigay ng naantalang mga benepisyo tulad ng Performance-Based Bonus (PBB) at Health Emergency Allowances (HEA) sa mga pribadong ospital sa yaong mga nakapailalim sa lokal na gubyerno,” ayon kay Cristy Donguines, isang nars at pangkalahatang kalihim ng AHW.

Giit ng grupo, sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng mga manggagawang pangkalusugan, lalo na noong pandemya, napakahalaga na makatanggap ang sektor ng nararapat na suporta at pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at paglilingkod sa bayan. “Sa pamamagitan ito ng pagtugon sa matagal nang mga isyu at usapin upang hindi madagdagan ang bilang ng mga manggagawang pangkalusugan na natutulak sa ibayong dagat upang magtrabaho,” ayon pa sa AHW.

Mahigpit na ipinabatid ng mga manggagawang pangkalusugan ang kanilang galit sa pagpapabaya at kainutilan ng gubyerno noong panahon ng pandemya. “Hindi namin nais na palabasin na mga bayaning pinababayaan at kinalilimutan pagkatapos ng laban [noong pandemya],” ayon pa kay Donguines. Dapat nang tugunan at bigyan ng solusyon ang matagal na nilang mga panawagan, giit ng AHW.

Ang nakatakdang konsyerto ay ika-apat na sa serye ng “Konsyerto sa Palasyo” na inilulunsad ng Malacañang. Liban dito, kabi-kabilang mga konsyerto at palamuting aktibidad rin ang inilunsad ng rehimeng Marcos. Isa na dito ang “Bagong Pilipinas” rali noong Enero 2024 na gumasta ng tinatayang ₱16.4 milyon.

AB: Dagdag-sweldo at seguridad sa trabaho, hindi konsyerto—mga manggagawang pangkalusugan