Dahil sa pang-aabuso: Upisyal militar ng 2nd IB, pinaslang ng CAFGU
Pinatay ng isang elemento ng CAFGU ang isang upisyal militar ng 2nd IB sa Barangay Dapdap, Uson noong Setyembre 25 dahil sa labis na diskriminasyon at pagmamaltrato. Ang pinatay na upisyal militar na may alyas na Asyong ay dating upisyal sa impormasyon ng 2nd IB.
“May ilan ding impormasyong natanggap ang BHB-Masbate na ginatungan ng ilang militar ang galit ng naturang CAFGU sa kanyang superyor (na upisyal) upang ipapatay ang kanilang kasamahan,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command).
Ayon sa mga ulat, labis ang pagkamuhi ng naturang CAFGU dahil sa pagmamalupit sa kanila ng mga sundalo. Karaniwang silang itinuturing na mga tuta at alipin ng kanilang mga upisyal na militar. Kinukurakot din ng mga sundalo ang katiting na sweldo (o honorarium) na tinatanggap ng CAFGU.
Samantala, dahil sa kawalang tiwala naman ng militar sa CAFGU na ito, pinagbabawalan umano silang magdala ng armas kung may mga personal na lakad. Nagdulot ang mga ito ng labis-labis na demoralisasyon sa hanay ng mga CAFGU sa prubinsya.
“Unti-unting napagtatanto ng mga karaniwang sundalo at CAFGU na ito na pambala lamang sila sa kanyon,” ayon kay Ka Luz. Tumingkad pa umano ito sa nagdaang mga taon dahil sa pagpapatindi ng rehimeng Marcos sa kampanyang kontra-insurhensya sa imbing layunin na wasakin na ang rebolusyonaryong kilusan.
“Sa Masbate, takot at pangamba ang nararamdaman ng mga karaniwang kawal at CAFGU sa pagsabay sa tuluy-tuloy na mga operasyong militar sa pangambang maambus o mapasabugan ng command-detonated explosive ng hukbong bayan,” ayon sa tagapagsalita ng BHB-Masbate.
Pagdidiin ni Ka Luz, ang ganitong mga insidente ay patunay ng likas na katiwalian at kabulukan ng AFP-PNP-CAFGU. “[Dahil dito,] mabibigo ang rehimeng Marcos Jr sa kampanyang pagdurog sa NPA at buong rebolusyonaryong kilusan,” aniya.
Nanawagan naman si Ka Luz sa mga elemento ng AFP-PNP-CAFGU na “nasusuklam” sa kanilang mga upisyal na tumiwalag na sa bangkaroteng institusyon ng rehimeng Marcos at sa halip makipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan.
“Gawin nila ito habang maaga pa at may puwang pa para mabuhay sila nang matiwasay bilang mga ordinaryong sibilyan,” aniya.