Dalawang organisador ng magsasaka sa Mindoro, inaresto ng pulis at militar
Sa kalagitnaan ng pagtulong sa mga magsasakang apektado ng Bagyong Kristine, inaresto ng 76th IB at mga pulis ang mga organisador ng magsasaka na sina Bong Fran at Kelvin Joaquin noong Oktubre 24 sa Barangay Hagupit, Bongabong, Oriental Mindoro. Kulang na nga ang tugon ng rehimeng Marcos sa paghagupit ng bagyo, inaresto pa nito ang mga tumutulong sa nasalanta.
Ang dalawa ay inaresto sa bisa ng mandaymentong inilabas ng isang korte sa Pinamalayan, Oriental Mindoro sa kasong rebelyon. Pinalalabas din ng mga sundalo at pulis na nakumpiska sa kanila ang isang .45 kalibreng pistola, pampasabog, mga gadyet at dokumento. Nakatakdang gamitin ang naturang “ebidensya” para sampahan sila ng dagdag na mga kaso.
Ayon sa Karapatan-Southern Tagalog, pinipigilan ng mga pulis ng Bongabong Municipal Police Station ang mga paralegal nito at kaanak na makausap ang mga inaresto. Nagtungo sila sa sa istasyon para alamin ang kalagayan ng dalawang organisador.
“Sa kabila ng pagtugon ng tim sa rekisito ng mga pulis na magbigay sila ng ID, hindi pa rin sila pinayagang makapasok sa loob ng presinto dahil kailangan pa diumano ng abiso ng hepe bago magpapasok, kahit na kasama ang mga kamag-anak ni Bong Fran,” ayon sa grupo.
Sadyang inaantala ng mga pwersa ng estado ang pakikipag-usap ng mga kaanak at paralegal bilang porma ng panggigipit. Dagdag ng grupo, hindi bababa sa limang pinaghihinalaang ahenteng paniktik ng mga pulis ang nakapalibot at nagmamasid sa tim.
Ang pag-aresto kina Fran at Joaquin ay kasunod ng serye ng pag-aresto sa konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na si Wigberto Villarico, at kasamang si Marjorie Lizada, noong Oktubre 24 sa Quezon City at dalawang organisador ng mga manggagawa na sina Gavino Panganiban at Marites David noong Oktubre 27, sa Makati City.