Dedlayn sa sapilitang konsolidasyon ng PUV, muling napaatras
Natulak ng sama-samang pagkilos ng mga tsuper at opereytor, sa pamumuno ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela), at Tanggol Pasada Network ang rehimeng US-Marcos na muling iatras ang dedlayn ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng mga public utility vehicle (PUV) na bahagi ng bogus na PUV Modernization Program ng gubyerno. Iniusod ng rehimen ang dedlayn tungong Abril 30 mula sa dating Disyembre 31, 2023 na naunang napalawig tungong Enero 31.
“Habang hindi nito ginagarantiya ang agarang pagbabasura ng makadayuhan at negosyong PUV modernization program, magsilbi dapat itong pampagising sa inutil na rehimeng Marcos,” pahayag ng Piston.
Ganito rin ang sentimyento ng grupong Manibela. Anila, “Hindi nito agarang mapababasura ang palpak, pahirap at makadayuhan na PUV modernization program, ngunit ito ay magsisilbi natin na pang buwelo para sa pagpapaingay pa ng kampanya hanggang tuluyan ito na mabasura.”
Para sa kanila, mahalagang tuluy-tuloy na kumilos ang mga tsuper at opereytor para ipagtanggol ang kanilang mga kabuhayan, ibasura ang PUVMP, at isulong ang progresibo, makabayan, at makamasang pampublikong transportasyon kung saan walang tsuper, operator, at komyuter ang maiiwan.
Naganap ang anunsyo ng pag-usod ng dedlayn matapos ang ikalawang pagdinig ng komite sa transportasyon sa House of Representatives kahapong, Enero 24, na tumalakay sa kainutilan at kapalpakan ng PUVMP. Nauna nang naisiwalat noong Enero 10, unang pagdinig ng komite, na malaking bilang pa ng mga dyipni ang hindi nagkonsolida, taliwas sa pahayag ng ahensya. Marami ring mga ruta ang di pa naayos, na rekisito sa konsolidasyon.
Sa parehong pagdinig, naging katuwang ng Piston at Manibela ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc sa pagtatanggol ng kanilang prangkisa at kabuhayan. Inilunsad din ng mga tsuper at opereytor ang piket kasabay ng mga pagdinig.
Samantala, nagprotesta rin ang dalawang grupo sa Korte Suprema sa Maynila noong Enero 23 para ipanawagan ang pagkatig sa kanila ng korte kaugnay ng kanilang inihaing petisyon para ipahinto ang sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at ang PUVMP. Itinaon nila ang protesta sa en banc session ng korte.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga kasama na tinatatagan ang loob at naniwalang kapag tayo ay magkakasamang lumaban, mapagtatagumpayan natin ito!” pahayag ng Manibela.