Deklaradong “gera kontra-droga” ng mga Duterte sa Davao City, iimbestigahan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagbukas ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) noong Marso 25 sa “gera kontra-droga” idineklara ni Sebastian Duterte, anak ni Rodrigo Duterte at kasalukuyang meyor ng Davao City. Ito ay matapos nabalitaang limang “suspek” ang napatay sa loob ng 24 oras, dalawang araw matapos idineklara ni Duterte ang kanyang “gera.” Bago ang lima, dalawa na ang ekstrahudisyal na pinaslang ng mga pulis.

Idineklara ng nakababatang Duterte ang kanyang intensyon sa isang pagtitipon, kung saan binantaan niya ang mga “drug pusher” na “umalis” sa “kanyang syudad” at kung hindi ay “papatayin” niya ang mga ito. Ang ganitong pagbabanta at ang kasunod na mga pananalbeyds ay kopyang-kopya sa estilo ng kanyang ama.

Kinundena ng CHR ang “nakaaalarmang mga insidente ng mga ekstra-hudisyal na pamamaslang” na nakaugnay sa “gera kontra-droga.” Ang gera na ito ay ilang dekada nang ipinatutupad ng dinastiyang Duterte sa Davao, at sa buong bansa, noong panahon ng panunungkulan ni Rodrigo Duterte bilang presidente ng Pilipinas.

Sinampahan ang nakatatandang Duterte, kasama ang kanyang mga kasapakat, ng krimen laban sa sangkatauhan dulot ng malawakan at sistematikong pamamaslang na isinagawa nila sa ngalan ng “gera kontra-droga.” Sa pagdedeklara ng anak na Duterte ng “muling pagsisimula” nito sa Davao City, animo’y kinukutya at minamaliit niya ang bigat ng mga krimen na ginawa ng kanyang ama.

Gayundin, hindi totoong “magsisimula muli” ang batang Duterte sa kanyang “gera kontra-droga.” Bago pa man ang kanyang kopya-sa-amang pagbabanta, nangunguna na ang Davao City sa may pinakamaraming bilang ng mga napatay na mga pinaghihinalaang sangkot sa bentahan ng iligal na droga. Sa ulat ng Dahas Project, nagtala ang Davao City ng pinakamataas na bilang ng mga pagpatay na may kaugnayan sa droga mula nang maupo ang rehimeng Marcos, at kasabay niya, ang batang Duterte sa poder. Mula Hulyo 1, 2022 hanggang Marso 15, 2024, umabot na sa 97 ang “drug-related killing” sa syudad. Lahat ng mga ito, pwera sa isa, ay kagagawan ng mga pulis. Binubuo nito ang 16% ng lahat ng mga “drug-related killing” sa buong bansa na umabot na sa 582.

Kinundena rin ng Bayan-Southern Mindanao Region ang mga pagpaslang. “Like father, like son,” ayon sa grupo.

AB: Deklaradong "gera kontra-droga" ng mga Duterte sa Davao City, iimbestigahan