"Deklarasyon ng kooperasyon" ng UP at AFP, kinundena
Binatikos ng mga demokratikong sektor sa loob ng University of the Philippines (UP) System ang pagpirma noong Agosto 8 ng administrasyon nito at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang “deklarasyon ng kooperasyon” para pahintulutan ang pagtutulungan ng dalawang institusyon. Sa pinag-isang pahayag ng UP Office ng Faculty Regent, UP Office of the Staff Regent, UP Office of the Student Regent, KASAMA sa UP at Defend UP Network, sinabi nilang malaking pagyurak sa akademikong kalayaan ang ginawang pagpirma ng administrasyon sa naturang kasunduan.
Pinangunahan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr at Dr. Leo DP Cubillan, UP Vice President for Academic Affairs, ang seremonya ng pagpirma sa deklarasyon. Bibigyang-daan ng kasunduan ang iba’t ibang “inisyatiba, kabilang ang pinagsanib na mga proyektong pananaliksik, programang akademiko, at aktibidad ng pakikisalamuha sa mga komunidad, na may layuning esrtratehikong gamitin ang mga rekurso at kasanayan sa pagitan ng AFP at UP.”
“Sinasabi ng UP na ibinabandila nito ang matapang na pagkatuto (scholarship) at kritikal na pag-iisip, pero gusto ng administrasyon nito na ‘estratehikong gamitin ang mga rekurso at kasanayan’ kasama ang isang mapanupil na institusyon na alam nating maraming beses nang pinaratangan ng mga lokal at internasyunal na mga grupo sa karapatang-tao na lumalabag sa kalayaang sibil sa sinasabing kampanyang kontra-insurhensya at mga pag-atake sa mga kritiko,” ayon sa pahayag.
Anila, ang pagpasok ng unibersidad sa kasunduang ito ay magtutulak sa UP na maging bahagi o kaugnayan sa laganap na mga paglabag sa karapatang-tao at pampulitikang panunupil na ginagawa ng AFP. Pagdidiin pa ng pahayag, ginagawang nitong lehitimo ang kasalukuyang panunupil sa kritikal na mga tinig at progresibong inisyatiba sa loob ng unibersidad na binabansagan ng AFP na banta sa “pambansang seguridad.”
Binatikos rin nila ang administrasyon ni Angelo Jimenez, presidente ng UP System, dahil basta-basta itong pumasok sa kasunduan na hindi nakipagkonsultasyon sa mga myembro ng komunidad ng UP. Anila, isa lamang ito sa napakarami nang hindi demokratikong mga hakbang at desisyon ng administrasyong Jimenez.
Ang pagpirma ng UP at AFP sa kasunduang ito ay ilang araw lamang matapos ang panibagong pagdinig ni Sen. Bato dela Rosa hinggil sa pinalalabas niyang ugnayan ng mga organisasyong pangkampus sa rebolusyonaryong armadong kilusan sa bansa. Isinagawa ni dela Rosa ang binansagang “Red-tagging hearing” noong Agosto 6, kung saan inimbitahan ang mga nagtraydor sa mamamayang Pilipino tulad nina Kate Raca, isa nang sundalo ng AFP, Ariane Jane Ramos at iba pa.
Naglunsad ng protesta sa UP-Diliman ang mga kabataan at iba pang sektor noong Agosto 9 para batikusin ang naturang kasunduan at “Red-tagging hearing” ni dela Rosa. Samantala, pumirma sa isang pahayag ng pagkundena sa ginawang “Red-tagging hearing” ang maraming organisasyon sa iba’ibang kampus ng UP sa buong bansa.