Balita

Demolisyon sa North Caloocan, ipinilit ng pamilyang Marcos-Araneta

,

Naglabas ng alerto ang Bayan Muna (BM) Party kahapon, Agosto 20, sa isinasagawang demolisyon sa Pangarap Village sa North Caloocan ng mga tauhan ng pamilyang Araneta. Sapilitang winasak ng mga gwardya ng Carmel Development Inc (CDI) ang mga bakod sa paligid ng komunidad at pinutol ang mga puno malapit sa kabahayan.

Sadyang pinatatama ng mga gwardya at maton ng kumpanya ang mga puno sa mga bahay ng mga residente para pilitin silang umalis. Ang CDI ay pagmamay-ari ni Greggy Araneta, asawa ni Irene Marcos, anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr, at kapatid ng kasalukuyang pangulo ng bansa.

“Hindi makatao at hindi makatarungan ang sapilitang pagdedemolis ng mga tirahan ng mga residente at ang karahasang ginagawa ng mga gwardya at maton ni Greggy Araneta,” pagkundena ng BM. Panawagan nila na tugunan at tulungan ng mga ahensya ng gubyerno ang mga residente para ipagtanggol ang kanilang karapatang-tao at karapatan sa paninirahan.

Ayon sa BM, ginamitan ng armas ng mga gwardya at maton ang mga residente. Isa sa mga maton ang gumamit pa ng shotgun para basagin ang bintana ng isang bahay at naghagis ng bato sa loob nito para umalis ang mga nakatira rito. Kinumpiska ng mga maton ang mga selpon ng mga residente na nangahas ibidyo ang karahasan.

Kinilala ng mga residente ang isang Al Alamid bilang lider ng mga maton ni Araneta. Anila, nag-alok si Alamid ng ₱5,000 sa mga residenteng kusang aalis sa kanilang mga bahay.

Inaagaw ng CDI ang 156 ektaryang lupa na nagsilbing relokasyon o pabahay ng mga retiradong sundalo mula pa dekada 1970. Higit 40,000 residente ang nakatira rito at 3,000 sa kanila ay may hawak na mga titulo.

AB: Demolisyon sa North Caloocan, ipinilit ng pamilyang Marcos-Araneta