Demolisyon sa Quezon City, sinalubong ng protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng protesta ang mga residente ng King Christian St. sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City noong Hunyo 15 para tutulan ang isinasagawang iligal na demolisyon sa kanilang komunidad. Higit 50 indibidwal ang maapektuhan ng demolisyon at pang-aagaw sa lupa ng isang nagpakilalang Roberto Collantes. Dumating kamakailan ang mga tauhan ni Collantes para simulan ang paggiba ng mga bahay gamit ang backhoe.

Halos dalawang dekada nang naninirahan ang mga residente sa lugar. Noong 2019, nagpakilala si Collantes sa mga residente at sinabing nabili niya ang lupang kinatitirikan ng mga bahay doon.

Sa protesta, idiniin ng mga residente na walang kahit anong batayan si Collantes para isagawa ang demolisyon at kamkamin ang lupa. Wala din umanong kahit anong atas ng korte na nagpapalayas sa kanila roon. Kinundena nila ang panlalansi sa mga residente na “kusang-loob” na umalis kapalit ng karampot na P36,000.

Pami-pamilya, kasama ang matatanda at mga bata, ang nakiisa sa kilos-protesta. Anila, labis na paghihirap ang kanilang pinagdaanan para sa pagpupundar ng kanilang bahay at kagamitan. “Ipaglaban ang ating karapatan…hindi tayo dapat tinatrato ng ganito…hindi makatao,” pahayag ng lider ng Alyansa ng Mamamayan ng Bagbag.

Kagyat nilang panawagan ang pagtanggal sa backhoe sa kanilang komunidad. Iginigiit nila ang kanilang karapatan sa paninirahan at pagtatanggol sa kanilang buhay at kabuhayan. Nakiisa sa kanilang pagkilos ang mga aktibistang kabataang-estudyante mula sa Anakbayan-Novaliches.

“Nakikiisa ang Anakbayan Novaliches sa laban ng residente ng King Christian St at sa lahat ng maralitang lungsod sa Quezon City na humaharap ng banta ng demolisyon. Ito ay isang malaking iskema para iratsada ang kontra-mamamayang modernisasyon sa ating lipunan,” pahayag ng grupo.

Nagpahayag rin ng suporta sa laban ng mga maralita ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Quezon City.

AB: Demolisyon sa Quezon City, sinalubong ng protesta