Balita

Dinukot na bagong layang bilanggong pulitikal sa Quezon, natagpuan na

Inianunsyo ng Karapatan-Southern Tagalog ngayong araw, Oktubre 22, na natagpuan na ng mga kaibigan at abugado si Rowena Dasig, isang dating bilanggong pulitikal na dinukot ng mga pwersa ng estado dalawang buwan na ang nakalilipas. Si Dasig ay sapilitang iwinala matapos “makalaya” sa kulungan noong Agosto 22.

Hindi pa naglabas ng detalye tungkol sa dinanas ni Dasig. Gayunman, ipinarating ng kanyang mga abugado at mga grupo sa karapatang-tao na ipinahayag ni Dasgig na buo pa rin ang kanyang kapasyahan na ipagpatuloy ang laban para sa kalikasan, mga bilanggong pulitikal, at lahat ng biktima ng terrorismo ng estado.

Ayon sa Karapatan-Southern Tagalog, “nararapat lamang na singilin ang 85th Infantry Batallion, 201st Infantry Brigade, at ang kasangkapan nitong mga kasabwat na LCDJ sa iligal na pag-aresto kina Ella at Owen at ang sapilitang pagkawala ng huli.” Dapat umanong huwag hayaang magpatuloy ang mga elementong ito ng estado sa kanilang paghuhugas-kamay sa pagpapahirap na dinanas ni Dasig at ng kaniyang pamilya at mga kaibigan.

Maaalalang bago siya winala, ibinasura ng korte sa Gumaca, Quezon ang kasong Illegal Possession of Firearms, Ammunitions, and Explosives na isinampa sa kanya at kasama niyang si Miguela Peniero. Ang dalawa ay inaresto sa Purok Banaba, Barangay Caridad Ibaba sa bayan ng Atimonan noong Hulyo 12, 2023.

Nasa komunidad sila noon para imbestigahan ang epekto ng pinaplanong itayo na cycle gas turbine power project at liquefied natural gas terminal plant sa naturang lugar. Ang proyekto na itatayo ng Atimonan One Energy, Inc. (A1E), subsidyaryo ng Meralco PowerGen Corp, ay pinangangambahang magkakaroon ng matinding epekto sa mga magkokopra at mangingisda sa bayan ng Atimonan.

Sa araw ng “paglaya” ni Dasig noong Agosto 22, sinabi ng BJMP Lucena City District Jail (LCDJ) na inasikaso siya ng kanyang mga kaanak para makalabas. Gayunman, sinabi ng kanyang mga abugado na wala silang natanggap na abiso kaugnay nito at pinabulaanan din ng pamilya ni Dasig ang binabanggit ng LCDJ at sinabing wala ring silang natatanggap na balita hinggil sa kanyang paglaya.

“Malinaw na hindi pa tapos ang ating laban, at nagpapatuloy ang ating panawagan para sa hustisya at kalayaan,” ayon pa sa grupo.

AB: Dinukot na bagong layang bilanggong pulitikal sa Quezon, natagpuan na