Diskriminasyon sa mga transwoman sa EARIST, nilabanan

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naigiit ng mga estudyante at grupo ng mga LGBTQIA+ sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) na kilalanin ang karapatan ng mga transgender na estudyante na panatilihin ang kanilang mahabang buhok bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan sa kasarian. Nagprotesta sila sa pangunguna ng Bahaghari-EARIST sa kampus nito sa Santa Mesa, Manila noong Marso 15 sa harap ng pagbabawal sa mga transwoman na estudyante na makapag-enrol hangga’t hindi nagpapagupit ng buhok.

“Ang edukasyon ay dapat para sa lahat—ano pa man ang sexual orientation, gender identity, at gender expression ng mga estudyante,” ayon kay JP Brillantes, isang transwoman na lider-estudyante at kinatawan ng Bahaghari-EARIST. Noon pang Oktubre 2023 nagpahayag ng pagtutol ang mga estudyante sa naturang patakaran.

Ang pagbabawal ng EARIST na i-enroll ang ilang estudyante dahil sa pagiging “trans” ay labag sa karapatan na makapag-aral at isang malinaw na porma ng diskriminasyon dahil sa kasarian, aniya. Liban pa sa sapilitang pagpapagupit ng buhok para umayon sa patakaran ng EARIST, hindi rin sila pinapayagan na gumamit ng unipormeng sang-ayon sa kanilang kasarian.

“Dapat bigyan ng espasyo tayong mga LGBT sa mga pampublikong institusyon katulad ng EARIST at ibasura ang mga lipas nang polisiya hinggil sa uniform at grooming. Kahit kailan, hindi naging sagabal ang mahabang buhok at pambabaeng unipormesa aming pag-aaral,” dagdag ni Brillantes.

Ayon pa sa kanya, sa katunayan, “nakakamit ng mga kabataang LGBTQIA+ ang kanilang lubos na potensyal kapag nabibigyan ng pagkakataong maipahayag ang mga sarili.” Sa kabila ng matagal na nilang panawagan, hindi ito kaagad tinugunan ng unibersidad at humantong pa sa pagpuputol ng buhok ng mga transwoman na estudyante kahit labag ito sa kanilang kalooban.

Sa protestang inilunsad sa kampus, simbolikong sinunog ng mga dumalo ang isang malaking papel na katulad ng EARIST Student Hand Book bilang pagtututol sa anti-estudyanteng probisyon nitong hindi kumikilala sa gender expression ng transgender.

Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang mga grupo sa laban ng Bahaghari-Earist. “Mahigpit na kinukundena ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang nangyaring pagtapak sa karapatan sa sariling pagkakakilanlan ng mga estudyante sa EARIST at sa lahat pa ng mga pamantasan at unibersidad na tinatali ang mga estudyante sa “corporate standards,” ayon sa NUSP.

Kasunod ng pag-iingay at pangangalampag ng mga grupo, natulak ang Commission on Higher Education (Ched) na magpatawag ng pulong noong Marso 15 kasama ang kinatawan ng Bahaghari-Earist at pamunuan ng unibersidad.

Napagkasunduan sa pagpupulong na ito na pahihintulutan nang makapag-enrol ang lahat ng mga estudyante gaano man kahaba ang kanilang buhok at kung ano man ang kanilang nais na uniporme. Pansamantala ding sinuspinde ang mga seksyon sa EARIST Handbook kaugnay ng “grooming and uniform” habang binubuo pa ang isang inklusibong patakaran.

Kaugnay nito, ipinahayag ng pambansang upisina ng Bahaghari ang tuluy-tuloy nitong kampanya para tiyakin na inklusibo ang bagong mga patakarang bubuuin sa EARIST. Ayon sa grupo, patuloy silang makikipagdayalogo sa CHED para gawing pormal ang atas na lahat ng mga estudyante sa mga unibersidad at kampus na nasa ilalim ng ahensya ay dapat pahintulutang malayang ipahayag ang kanilang mga sarili at kasarian sa pamamagitan ng mga patakaran sa grooming at uniporme.

Panata ng Bahaghari, hindi ito titigil hangga’t dumaranas ang mga estudyate sa bawat sulok ng Pilipinas ng diskriminasyon dulot ng kanilang kasarian.

AB: Diskriminasyon sa mga transwoman sa EARIST, nilabanan