Balita

Earth Day, ginunita sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas

,

Naglunsad ng mga pagkilos ang iba’t ibang grupong maka-kalikasan sa Pilipinas bilang pakikiisa sa ika-52 taunang selebrasyon ng Earth Day (Araw ng Daigdig) noong Abril 22.

Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), isang grupo ng mga magsasaka, naglunsad ng protesta sa Brgy. San Francisco, Guinobatan, Albay. Lumahok dito ang mga residente sa Quarry Area sa Guinobatan at malapit sa Palanog Cement Factory sa Camalig. Nakiisa dito ang dating representante ng Anakpawis Partylist sa kongreso na si Ka Ayik Casilao. Nagpahayag ang nagprotesta ng pagkabahala sa mga isyung pangkalikasan na nakakaapekto sa kanilang lokalidad.

Sa Cagayan, nagmartsa laban sa black sand mining ang mahigit 1,000 mangingisda at residente ng Aparri. Ayon sa kanila, nangyayari ang black sand mining sa tabing ng “river dredging” diumano ng malalaking barkong Chinese. Pero mismong mga mangingisda ang nakakikita ng mga buhanging minimina na isinasakay sa mga barko at dinadala sa labas ng ng bansa. Higit 12 barangay ang lumahok sa martsa, kasama ang iba’t ibang grupo mula sa mga bayan ng Gattaran, Ballesteros, Buguey, Gonzaga, Sta. Ana, at iba pa.

Sa Metro Manila, mahigit 300 siklista ang naglunsad ng “Padyak para sa Kalikasan at Malinis na Halalan” simula sa Bonifacio Shrine sa Maynila tungo sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Muling pumadyak ang 300 siklista sa pangunguna ng Earth Island Institute, isang organisasyong pangkalikasan. Nanawagan ang grupo na suriin ang paninindigan ng mga kandidato sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan.

Ayon sa mga nagprotesta, dahil nalalapit na rin ang eleksyon, napakalaking usapin para sa mamamayan ang paninindigan ng mga kandidato kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan. Giit nila, dapat tiyakin ng susunod na administrasyon na ang kapaligiran ay bibigyang prayoridad at mapangangalagaan. Gayundin, dapat pinangangalagaan at sinusuportahan ang mamamayang nakatira at nangangalaga sa likas na rekurso ng bansang pinagkukunan ng kabuhayan, tubig at iba pang yaman.

Ang Earth Day ay isinasagawa upang itaas ang kamalayan ng mamamayan sa buong mundo sa nagaganap at posibleng kasapitan ng mundo kapag di napangalagaan ang kalusugan ng planeta at kapaligiran. Sa kadulu-duluhan, magiging makabuluhan lamang ang pagunita sa Earth Day kung naka-ugnay ito sa rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang imperyalistang pandarambong at pangwawasak sa kalikasan.

AB: Earth Day, ginunita sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas