Enero 14-21: Linggo ng pakikiisa sa mga bilanggong Palestino
Idineklara ng mga organisasyon para sa karapatang-tao at tagasuporta ng pakikibakang Palestino ang Enero 14-24 bilang linggo ng panawagan para sa pagpapalaya kay Ahmad Sa’adat at lahat ng mga Palestinong bilanggong pulitikal.
Gugunitain sa linggong ito ang ika-21 taong pagkukulong ng pasistang mga pwersang Israel kay Ahmad Sa’adat na unang ikinulong ng Palestinian Authority noong Enero 15, 2002. Dinukot siya mula sa kulungan ng Palestinian Authority sa Jericho sa ngalan ng “kooperasyong pangseguridad” at pinatawan ng sentensyang 30 taong pagkakakulong noong 2008. Si Sa’adat ay pangkalahatang kalihim ng Popular Front for the Liberation of Palestine, isang bantog na pambansang lider na kilala rin sa mga pakikibakang internasyunal.
Kasama si Sa’adat sa 4,750 mga Palestinong bilanggong pulitikal na nakakulong ngayon sa mga piitan ng Israel. Ang 820 sa kanila ay nakapailalim sa “administrative detention” o arbitraryong ikinulong nang walang kaso, walang inaasahang paglilitis, at sa gayon, ay walang klarong taning ng pagbibimbin. Tumatanggi ang Israel na ilabas kahit ang patay nang mga katawan ng mga bilanggong namatay sa loob ng piitan. Sa ngayon, mayroong labi ng 11 Palestino na hindi ibinibigay sa kanilang mga pamilya. Ang kalupitang ito ay isang porma ng kolektibong pagparusa at tortyur na nakatuon sa mga pamilya ng mga bilanggo.
Sa linggo ding ito gugunitain ang ika-14 taong anibersaryo ng pananalakay ng Israel sa Gaza noong 2008 sa tinagurian nitong “Operation Cast Lead.” Ang 3-linggong pananalakay na ito ay nagresulta sa pagkapaty sa 1,383 Palestino, kabilang ang 33 mga bata, ayon sa Amnesty International.