Ginang, pinaslang ng militar at CAFGU sa Sorsogon
Sapilitang pinasok ng dalawang armadong lalaki na hinihinalang mga tauhan ng Armed Forces of the Philipippines (AF) ang bahay ng pamilya Herrera noong Nobyembre 2 ng gabi sa Sityo Balogo, Barangay Cristo, Donsol, Sorsogon. Pinagbabaril at pinatay ng mga berdugo si Honeylet Herrera sa loob ng kanyang bahay sa paratang na may kaugnayan siya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ayon sa BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command), posibleng ganting salakay ito ng militar sa komunidad kasunod ng pagparusa sa ahente sa paniktik na si Darius Laya noong huling linggo ng Oktubre. Sangkot si Laya sa pagkakanulo sa mga kababaryo at pagtuturo sa mga sibilyan, kabilang si Herrera, na may ugnayan sa hukbong bayan.
Naulila ni Herrera ang kanyang asawa at isang anak. “Ang mga militar at CAFGU ang may malinaw na intensyong paslangin si [Herrera] na may layuning maghasik ng takot sa mamamayan,” ayon kay Ka Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Sorsogon.
Ani Ka Samuel, dapat kundenahin ang pagbaling ng militar at CAFGU sa mga sibilyan tuwing may napapaslang sa kanilang hanay sa mga lehitimong operasyong militar. Ang aksyong ito ay lubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas.
“Ipinapaabot ng BHB-Sorsogon at buong rebolusyonaryong kilusan ang taos-pusong pakikiramay sa pamilyang naiwan ni [Herrera],” aniya. Nangako rin ang yunit na ipagpapatuloy nito ang paghahanap ng hustisya para kay Herrera at sa laksa-laksang biktima ng terorismo ng estado.
Hinikayat ng yunit ang masang Sorsoganon na pahigpitin ang pagkakaisa para tutulan at ilantad ang mga krimen ng berdugong AFP-CAFGU. Nanawagan din sila sa mga residenteng may nalalamang impormasyon sa mga salarin sa pagpatay para sa ikalulutas ng kaso at upang mapabilis ang pagkakamit ng hustisya.
Samantala, tusong nagsagawa ng rali ang 31st IB sa Batangay Cristo laban sa rebolusyonaryong kilusan noong Nobyembre 3 para tabunan ang kanilang krimen. Pinilit nito ang mga upisyal ng barangay at residente na lumahok sa “rali para sa kapayapaan.”