Balita

Hatol na maysala sa anim na tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Palawan, kinundena

Kinundena ng Karapatan-Southern Tagalog (ST) ang hatol na maysala ng Puerto Princesa Regional Trial Court (RTC) Branch 51 at Brooke’s Point RTC Branch 165 sa anim na tagpagtanggol ng karapatang-tao sa kasong illegal possession of explosives and explosive devices at rebelyon. Anang grupo, hindi makatarungan ang parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo sa anim at tahasang paglapastangan ito sa hustisya.

Ang mga aktibista, na bahagi ng tinawag na Palawan 7, ay inaresto noong Oktubre 4, 2019 sa isang tsekpoynt sa Sityo Anilawan, Barangay Babuyan, Puerto Princesa City. Ang pitong inaresto ay sina Antonio Molina, organisador ng KASAMA-Timog Katagalugan, sina Bener Rimbunan at Awing Lumpat, mga katutubong Palaw’an, Glendhyl Malabanan, dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan ST, Ronces Paraguso at Jenny Bautista, mga istap ng Karapatan-ST, at si Joemelito Tanilon, organisador ng Pamalakaya-Palawan.

Ayon sa Karapatan-ST, nanggaling sina Malabanan sa isang fact finding mission sa bayan ng Taytay matapos makatanggap ng reklamo sa ginagawang panghaharas ng mga militar sa ilalim ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines. Dati nang iginiit ng grupo na iligal ang ginawang pag-aresto sa kanila dahil ang ginamit na mandamyento ng mga humuli ay nasa pangalan ng isang “Domingo Ritas” na itinuturo nilang si Molina.

Si Paragoso ay hinatulang maysala sa kasong rebelyon noong Disyembre 6 habang silang anim ay hinatulan sa kasong illegal possession of explosives noong Disyembre 12. Kinundena ng Karapatan-ST ang desisyon ng korte na naglaman ng “presumption of regularity” sa kabila ng iregularidad ng pagkaka-aresto, pagkakulong at iba pang ligal na proseso ng mga pulis at pwersa ng estado.

“Ang desisyon ay hindi lamang paglapastangan sa hustisya para sa mga biktima kundi isa ring kalunus-lunos na pagkakait ng hustisya kay Molina, na namatay noong 2021 habang nasa kulungan,” pahayag ng Karapatan-ST. Namatay ang 67-anyos na si Molina sa atake sa puso. Mayroon siya noong Stage 4 malignant abdominal cancer pero makailang ulit na tinanggihan ng korte na palayain sa makataong mga batayan.

Para sa Karapatan-ST, matapos ang limang taon ng pagdurusa, walang pananagutang ibinigay ang desisyon ng korte sa tunay na mga kriminal sa iligal na pag-aresto at pagkulong sa Palawan 7. Kasunod ng malaking inhustisya, nanawagan ang grupo ng isang komprehensibong rebyu sa kaso ng Palawan 7 para maibasura ang desisyon ng korte.

Nagpaplano ng apela ang Palawan 7 para sa kanilang kaso. Nnanawagan rin ang Karapatan-ST na ibasura ang iba pang mga kaso na isinampa sa mga biktima at kaagad silang palayain.

Samantala, nagpahayag din ng pagkundena ang National Demoratic Front (NDF)-Palawan sa hatol ng reaksyunaryong korte laban sa Palawan 7. “Muling pinatutunayan ng hindi makatarungang paghatol sa Palawan 6 ang labis na kabulukan at pagiging anti-mamamayan ng reaksyunaryong hustisya sa Pilipinas,” pahayag ni Leona Paragua, tagapagsalita ng grupo.

Dagdag pa niya, marapat lamang suportahan ng mamamayang Palaweño ang pakikibaka ng Palawan 7 at ng iba pang detenidong pulitikal. “Sa kabilang banda, hindi dapat buong umasa ang taumbayan na makakamit ng Palawan 6 ang hustisya sa balangkas ng burges na korteng malinaw na anti-mamamayan at nagsisilbi sa interes ng naghaharing-uri at imperyalismo,” ayon pa kay Ka Leona.

AB: Hatol na maysala sa anim na tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Palawan, kinundena