Balita

Hayaang magdesisyon sa eleksyong BARMM ang Bangsamoro

Dapat hayaan ang mamamayang Moro na magpasya kung itutuloy o ipagpaliban ang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at hindi ang senado. Ito ang pahayag ni Mek Lidasan, co-chairperson ng Sandugo Alliance at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, noong Nobyembre 29.

“Dapat na respetuhin ang aming karapatan sa sariling pagpapasya,” aniya. Reaksyon ito sa pahayag ng presidente ng Senado na si Sen. Chiz Escudero na ang pagpapaliban sa eleksyong BARMM ay alinsunod sa atas ni Ferdinand Marcos Jr.

Ang naturang eleksyon, na nakatakdang ilunsad sa Mayo 12 ang unang eleksyon para itayo ang parlamentong Bangsamoro alinsunod sa mga probisyon ng Bangsamoro Organic Law. Papalitan ng mga halal na upisyal dito ang Bangsamoro Transition Authority na umiral mula 2018.

Sa atas ni Marcos Jr, itinutulak ng Senado na gawin ang eleksyon sa Mayo 11, 2026. “Kita natin dito na sila pa rin ang nagtatakda,” aniya.

Nakakabahala ang pakikialam ng pambansang gubyerno sa proseso ng BARMM, ayon kay Lidasan. Ang mga hakbang na ito ay taliwas sa iginawad nang awtoridad sa BTA at sa karapatan ng mamamayang Moro para sa sariling pagpapasya.

“Imbes na magpataw ng pagpapaliban ng eleksyon, ang mga resolusyon ng Senado at BTA ay dapat magsilbi bilang plataporma para harapin ang mga usapin kaugnay dito at palakasin ang mga boses ng mga kinakatawan nila na gusto nang maghalal, sa kauna-unahang pagkakataon, ng parlamentong gubyerno,” aniya. Sa huling mga ulat, mayroon nang 16 partido na handang lumahok sa eleksyon para sa 80 pwesto sa parlamentong Bangsamoro.

Nanawagan siya sa Senado at Kongreso na agarang lutasin ang mga ligal at teknikal na hamon na ibinunga ng desisyon ng Korte Suprema na nagtanggal sa Sulu sa saklaw ng BARMM para hindi ito maging balakid sa pagdaraos ng eleksyon.

Nanawagan din si Lidasan, kasama ang Koalisyong Makabayan, sa pambansang gubyerno na makipagtulungan sa mga sektor sa Bangsamoro, mga partido at organisasyon dito, para makamit ang isang estratehikong solusyon na gagalang sa diwa at nakasaad sa iba’t ibang kasunduan at itaguyod ang tunay na awtonomiya at pagpapasaya sa sarili.

AB: Hayaang magdesisyon sa eleksyong BARMM ang Bangsamoro