Balita

Humanitarian mission sa Batangas, iniimbestigahan ang sinasabing "engkwentro"

Nagpunta ang mga kasapi ng Karapatan-Southern Tagalog at Tanggol Batangan sa bayan ng Balayan, Batangas noong Disyembre 18 upang imbestigahan ang napaulat na mga paglabag sa karapatang-tao sa “armadong engkwentro” na iniulat ng 59th IB sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Malalay sa Balayan. Ipinadala nito ang magkahiwalay na tim, isa sa Barangay Malalay at isa sa punerarya at kaanak ng mga nasawing biktima.

Inimbestigahan ng tim ng fact-finding mission sa Barangay Malalay ang pagkamatay ng anim na indibidwal at mga kaso ng paglabag sa mga karapatan ng mga ito. Siniyasat din nila ang kalagayan ng mga residente ng barangay at kalapit na mga komunidad. Pinag-usapan sa mga pulong na isinagawa ng misyon ang pagbibigay ng karampatang tulong at suporta sa mga apektadong residente. Ihahanda ng mga grupo ang paghahatid ng kagyat na mga makataong pangangailangan ng mga apektadong sibilyan at mamamayan kabilang ang pagkain at gamot at serbisyong medikal kabilang ang psycho-social.

Ang ikalawang tim naman ay umagapay sa mga kaanak ng mga napatay para tukuyin at kunin ang mga bangkay. Iniulat at ikinadismaya ng mga kaanak at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao ang presensya ng 15 sundalo ng 59th IB na may dalang matataas na kalibreng armas sa punerarya.

Sinindak ng mga sundalo ang mga abugado at paralegal at pinagbawalan silang pumasok sa morge, sa kabila ng paggigiit ng visual autopsy sa mga napaslang. Anila, “wala ni-anumang presensya dapat ang mga militar sa punerarya kung talagang wala silang pinagtatakpan sa karumal-dumal na ginawa sa mga pinaslang nila, at nirerespeto nila ang mga kaanak.”

Anila, malinaw na may pananagutan ang uhaw-sa-dugong 59th IB, Philippine Navy, at Philippine Air Force, sa napakaraming paglabag sa karapatang-tao na ginawa nila sa mga residente ng Balayan at mga Batangueño sa pangkabuuan.

Giit nila, ang mga insidenteng ito ay patunay na itinatago ng 59th IB ang katotohanan sa pagkamatay ng mga nabuwal na mandirigma, na lubhang pagbalewala sa internasyunal na makataong batas (IHL), laluna sa paglapastangan sa bangkay.

Bago nito, nakipag-ugnayan ang Karapatan-ST sa mga upisyal ng Municipal Social Welfare Development ng Balayan kaugnay ng kalagayan ng mga sibilyan at mamamayang apektado sa nagpapatuloy na operasyon ng militar.

Ang sinasabing engkwentro ay naganap noong Disyembre 17 sa Barangay Malalay, ayon sa ulat ng mga sundalo. Naiulat din ang umano’y mga engkwentro sa bayan ng Lian ngayong Disyembre 18.

Sa harap nito, mahigpit na ipinapanawagan ng Karapatan-ST sa mga armadong grupo ng estado na igalang ang Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at itaguyod ang IHL.

AB: Humanitarian mission sa Batangas, iniimbestigahan ang sinasabing "engkwentro"