Pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro Inc sa Batangas, pinaiimbestigahan
Pinaiimbestigahan ng mga manggagawa ng Central Azucarera de Don Pedro Inc. (CADPI) at manggagawang bukid sa Batangas ang pagsasara ng asukarera ngayong taon. Pormal silang naghain ng resolusyon, kasama ang blokeng Makabayan, sa House of Representatives noong Pebrero 15 para paimbestigahan ang biglaang pagpapasara dito ng Roxas Holdings Inc. Kinapanayam din nila ang ibang kinatawan sa kongreso para makakuha ng suporta sa kanilang panawagan.
Ayon sa Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR)-Batangas, tinatayang 12,000 manggagawang bukid at mahigit 7,000 na maliliit na plantador ang nawalan ng kabuhayan dahil sa hindi makatarungang pagsasara ng asukarera. “Sinisira nito ang lokal na industriya ng asukal hindi lamang sa prubinsya, kundi sa buong bansa,” ayon pa sa grupo.
Bago nito, iginiit ng SUGAR-Batangas sa gubyerno na bilhin at pangasiwaan ang operasyon ng CADPI para maisalba ito upang palakasin ang lokal na industriya ng asukal sa prubinsya.
Ayon kay Christian Bearo, tagapagsalita ng SUGAR, lubhang maapektuhan nito ang mga plantador sa Batangas dahil 4,500 metriko toneladang asukal lamang kada araw ang kayang gilingin ng nalalabing sugar mill sa prubinsya kumpara sa kapasidad ng CADPI na 12,000 metriko tonelada kada araw. Sa taya noong 2020, sinasaklaw ng CADPI ang 10,980 ektarya ng tubuhan sa prubinsya.
Paliwanag ni Bearo, naunang nangako ang lokal na gubyerno ng Batangas na bayaran ang gastos sa transportasyon na ₱30,000 kada trak para ibyahe ang mga tubo tungong Central Azucarera de Tarlac (CAT). Subalit anito, hindi kayang sagutin ng lokal na gubyerno ang gastos para sa 200 trak kada araw na umaabot sa halos ₱6 milyon.
Naiulat din na magbibigay ng ₱80 milyong ayuda sa 2,000 manggagawa at maliliit ang plantador para makaagapay. Reklamo ng SUGAR, di ito sapat at kaunti lamang ang masasaklaw nitong manggagawa at plantador. Giit ni Bearo, dapat itong magbigay ng subsidyo sa paggawa sa lahat ng mga manggagawa sa tubuhan na bahagi ng produksyon at sapat na kumpensasyon laluna sa maliliit na plantador.
Insulto umano ang kainutilan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na sinabi nitong ang tanging magagawa nito ay kumbinsihin ang CADPI na muling magbukas para sa taong ito.
Ayon sa SUGAR, dapat bigyan ng gubyerno ng subsidyo sa produksyon ang maliliit na plantador, laluna ang pataba. Bukod ito sa pagbili sa gilingan.
Binatikos ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) ang kawalang tugon ni Marcos Jr at pagtutulak nito na papasukin ang kumpanyang DATAGRO na nakabase sa Brazil para umagapay diumano sa suplay ng asukal sa bansa at sa produksyon ng ethanol.