Balita

Hustisya at lupa, sigaw ng magsasaka sa ika-35 anibersaryo ng masaker sa Mendiola

,

Sa ika-35 anibersaryo ng brutal na Mendiola Massacre, pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang paggigiit ng hustisya para sa 13 biktima ng pamamaril ng mga sundalo at pulis noong Enero 22, 1987 sa ilalim ng rehimeng Cory Aquino. Noong araw na iyon, sinalubong ng pamamaril ang mapayapang protesta ng mga magsasaka para sa lupa at repormang agraryo Tulay ng Mendiola sa Maynila.

Inilunsad kahapon ng mga organisasyon sa ilalim ng KMP ang mga protesta at piket para sa hustisya at tunay na reporma sa lupa.

Sa Cavite, nagkaraban ang mga mangingisda, magsasaka at manggagawa mula Dasmarinas tungong Barangay Patungan, Maragondon kung saan nilabanan ng mga residente ang demolisyon ng mga mangangamkam ng lupa noong nakaraang linggo.

Pinangunahan ng Pamanggas, lokal na balangay ng KMP, ang nagmartsa sa syudad ng Iloilo. Samantala, nagpiket ang mga mangingisda’t magsasaka sa syudad ng Roxas sa Capiz at mga demokratikong organisasyon sa prubinsya ng Aklan. Naglunsad naman ng isang protestang candle lighting ang ilang komunidad sa syudad ng Maynila sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan-Manila.

Isang araw bago nito, nagmartsa ang mga magsasakang kasapi ng KMP-Negros tungo sa upisina ng Department of Agrarian Reform sa Bacolod City. Kasabay ng panawagang hustisya sa mga biktima ng masaker sa Mendiola, ipinanawagan ng grupo ang hustisya para kay Alexander Ceballos, ang pinakaunang magsasakang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang ng rehimeng US-Duterte. Pinaslang si Ceballos noong Enero 20, 2017.

Umaabot na sa 347 ang kabuuang bilang ng mga magsasakang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Tigmak ng dugo ang kanayunan habang nananatiling walang lupa ang mga magsasaka. Ayon sa KMP, sa ilalim ng rehimeng Duterte, pinalala pa ang Comprehensive Agrarian Reform Program, na pinairal ng rehimeng Cory Aquino. “Pinadali ang kumbersyon sa lupa. Pwersahang winatak-watak ang mga kolektibong sakahan,” dagdag pa ng grupo.

Lantaran din umanong pinaburan ng rehimeng Duterte ang mga imported na produktong agrikultural – bigas, karneng baboy, galunggong, at iba pa. Ang pagpapadali sa pagpasok ng imported ay nagpalala rin sa problema sa smuggled na mga produkto.

Samantala, nagpabatid ng suporta ang National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth) sa paglaban ng sektor para sa hustisya. Ipinanata ng grupo na tinatanggap nila ang hamon na patuloy na makiisa sa laban ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.

“Nananawagan kami sa kabataang Pilipino na ipagpatuloy ang legsiya ng mga martir ng Masaker sa Mendiola at isulong ang paglaban sa mga tiraniko at pasistang rehimen, gamit ang mga balota at ang lansangan,” dagdag pa ng grupo.

Nakiisa rin sa panawagang hustisya at lupa ang Commission on Human Rights at International Coalition for Human Rights for the Philippines.

AB: Hustisya at lupa, sigaw ng magsasaka sa ika-35 anibersaryo ng masaker sa Mendiola