Balita

Hustisya para sa mga bakwit ng Marawi City, ipinanawagan

Nagsagawa ng dasal-protesta noong Disyembre 14 ang mga taong-simbahan at kabataan bilang pakiiisa sa mga bakwit ng Marawi City na hanggang ngayon ay di pa nakababalik sa kanilang syudad. Naging kagyat ang panawagang pagbabalik ng may 5,000 pamilyang bakwit dulot nang malapit na silang palayasin sa kanilang temporaryong kinalalagyan sa katapusan ng taon. Matatapos na ang kontrata sa pagitan ng gubyerno at pribadong mga may-ari ng lupa kung saan sila inilagak matapos pulbusin ng AFP ang kanilang syudad noong 2017. Panawagan nila ang hustisya at imbestigasyon sa tugon ng estado at rehabilitasyon ng kanilang syudad.

“Pitong taon matapos ang pananalakay, mayroon pang 83,335 indibidwal na nasasadlak sa alanganing pamumuhay,” saad ng petisyon ng Reclaiming Marawi Movement (RMM), isang organisasyon ng mga bakwit. “Sa kabila ng mga pangako ng gubyerno, napakaliit pa ng nakukumpletong rekonstruksyon at nananatiling di mapasok ng mga residente ang Most Affected Area (ng syudad).”

Samantala, patuloy na dumaranas na matinding hirap ang mga bakwit sa tempoaryong nilang kabahayan. Di sapat ang kanilang supay ng tubig, serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at palagian ang banta ng pagpapalayas. Lumala ang kanilang kalagayang pang-ekonomya at kalidad sa pamumuhay laluna noong panahon ng pandemya.

Habang iginigiit nila ang makatarungang kumpensasyon para sa nasira nilang mga ari-arian, nanindigan silang hindi ito dapat ituring na sapat na para sa lahat ng pasakit at pahirap na dinanas nila sa nakaraang pitong taon.

“Kailanman hindi matutumbasan ng halaga ang nawala at nasira sa amin bilang mga bakwit,” ayon sa RMM. “Kaya iginigiit namin na kinakailangan ng may “recognition” o pagkilala at “accountability” o pananagutan kasabay ng kumpensasyon sa nangyaring mga paglabag sa karapatang-tao sa panahon ng pananalakay at sa proseso ng rehabilitasyon.”

Panawagan nila ang pagtitiyak ng kanilang ligtas at may dignidad na pagbabalik o “kambalingan” sa Marawi City.

Samantala, binatikos ng mga residente ng syudad ang desisyon ng rehimeng Marcos na magtayo ng panibagong upisina para sa pangangasiwa ng rehabilitasyon ng syudad, imbes na pakinggan ang kanilang mga hinaing para sa mabilis at patas na proseso ng pamamahagi ng pondong rehabilitasyon.

Noong Nobyembre 28, naglabas ng kautusang (EO 78) si Ferdinand Marcos Jr na nagbubuo ng Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development para diumano sa “rehabilitasyon, pag-unlad at pagpapanumbalik ng kapayapaan sa Marawi” at iba pang lugar na winasak ng AFP noong 2017. Pamumunuan ang bagong upisinang ito ni Nasser Pangandaman Sr, Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation. Isasailalim ang bagong upisina sa malapit na kaibigan ni Marcos na si Antonio Lagdameo Jr.

“Pakiusap, tama na, wag na gawing palabigasan ulit ang Marawi rehab, yumaman na ang mga tao ni Duterte, ngayon si BBM naman at the expense of our miseries!” pahayag ni Drieza Lininding ng Moro Consensus Group. Aniya, dapat inayos na lamang ng rehimen ang maraming pagkukulang ng Marawi Compensation Board at di na itinayo ang bagong upisina na kakain na naman ng panibagong pondo.

Halos masisira na ang mga itinayong kalsada at iba pang imprastruktura pero hindi mabalikan at mapakinabangan ng mga napalayas dahil sa kainutilan ng MCB, aniya. Ang kailangan ng mga residente ay dagdag na pondo para sa rehabilitasyon, hindi dagdag na burukrasya.

AB: Hustisya para sa mga bakwit ng Marawi City, ipinanawagan