Hustisya para sa mga biktima ng Apex Mining sa Masara landslide, ipinanawagan
Nagtipon-tipon kahapon ang mga kabataan sa Freedom Park, Davao City kahapon, Pebrero 20, para ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima sa pagguho ng lupa sa Masara, Maco, Davao de Oro. Pinangunahan ang kilos-protesta ng Anakbayan-Southern Mindanao Region, at iba pang progresibong grupo.
Itinuro nila ang deka-dekada, malawakan at mapanirang pagmimina ng Apex Mining Corp. Inc bilang salarin ng sakuna. Sa huling mga balita, lampas 100 bangkay na ang nahukay mula sa gumuhong lupa, 32 ang naitalang sugatan at mayroon pang mga nawawala. Napilitang lumikas ang 1,600 mula sa kani-kanilang komunidad dulot ng sakuna.
Malaking tipak ng Davao de Oro ang itinuturing na “geohazard area” (mapanganib na lugar) para sa pagmimina. Sa kabila nito, nagsabwatan ang lokal na mga upisyal, ahensya sa pangangalaga ng kalikasan at reaksyunaryong gubyerno para bigyan ng permit ang dayuhang mga kumpanya, at kanilang mga kasosyong lokal na burgesya, para magmina sa prubinsya.
“Malaking kasinungalingan ang pahayag na nagliligtas sa Apex Mining and Mines at ng Geosciences Bureau na wala umanong kinalaman ang kumpanya at natural causes lamang ang dahilan sa pangyayari,” pahayag ng Anakbayan-SMR. Taong 1970 pa nang magsimula ang operasyon ng Apex sa lugar, at ang kumpanyang ito ang nagdambong sa kalikasan sa Maco, anito. “Mahigit 20,000 ektarya ang konsesyon sa pagtotroso ang sinaklaw nito, na nagprodyus ng 8,500 kubic meters ng kahoy kada taon,” ayon sa grupo.
Lumikha rin ito ng 200,000 tonelada ng basura o mine tailings dahil sa operasyong pagmimina. Ang mga lasong basurang ito ay itinapon lamang sa Ilog ng Masara, na dumadaloy sa Ilog ng Hijo. “Ang Ilog ng Masara ang pinagkukuhaan ng maiinom na tubig ng magkanugnog na komunidad, pero ngayon ay sobra nang dumi,” ayon sa grupo.
Liban sa dating mga hawak na permit, pinalawak pa ng rehimeng Marcos noong 2023 ang saklaw ng mapaminsalang pagmimina ng Apex. Ang Apex ay pag-aari ni Enrique Razon, isa sa pinakamalaking burgesyang komprador na pinapaburan ni Marcos. Binili niya ang Asia Alliance Mining Resources Corporation at nakuha ang permit para minahin ang 20,000 ektaryang kabundukan sa prubinsya.
“Ibig sabihin, lampas 50 taon nang nilalapastangan ng Apex mining ang kalupaan ng Maco,” ayon sa kabataan. Kaya ang pagguho ng inaabot na siyam na ektaryang lupa, na may taas na 700 metro, ay hindi lamang dahil sa malakas na pag-ulan, kundi higit sa lahat, dulot ng tuluy-tuloy na pagmimina sa Maco sa matagal na panahon.
“Kailangang papanagutin ang Apex at hindi dapat ibaon ng rehimeng Marcos Jr ang pananagutan ng malalaking kumpanya sa mina tulad ng Apex dahil hindi ito isolated case,” ayon sa grupo.
“Malaking kasalanan laban sa mamamayan ang pagpapahintulot ng mga nasa kapangyarihan sa pagdambong sa natitirang reserbang mineral (ng bansa.) Sa itinutulak ngayon ni Marcos Jr na charter change kung saan maaari nang 100% magmay-ari ang mga dayuhan, magiging pamalagiang palabigasan ng mga dayuhang kumpanya sa mina, gayundin ang mga lokal na naghaharing uri, ang kalikahsan at kayamanan ng bansa.”