Ika-2 serye ng ayuda sa magtutubo sa Batangas, ipinamahagi

,

Nakatanggap ng tulong pampinansya ang mga magtutubo sa Batangas sa ikalawang beses ng pamamahagi ng ayuda sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng pangunahing asukarera sa prubinsya. Isinagawa ang pamamahagi noong Agosto 24 sa tatlong bayan sa Batangas. Matagal na ito nilang iginiit.

Ang mga nakatanggap ay pinroseso ng samahan ng mga magtutubo na Sugarfolk’s Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang relatibong mabilis na paglalabas ng pondo ay dulot ng pagtulak ng Gabriela Women’s Party na nakipagtulungan sa DSWD at kay House Speaker Martin Romualdez. Unang namahagi ng suportang pampinansya sa ibang magtutubo ang DSWD noong Mayo 2023.

Tinatayang 12,000 manggagawang bukid at mahigit 7,000 maliliit na plantador ang nawalan ng kabuhayan dahil sa hindi makatarungang pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro Inc. (CADPI) noong Disyembre 2022. Lubhang naapektuhan nito ang mga plantador sa Batangas dahil 4,500 metriko toneladang asukal lamang kada araw ang kayang gilingin ng nalalabing sugar mill sa prubinsya kumpara sa kapasidad ng CADPI na 12,000 metriko tonelada kada araw. Sa taya noong 2020, sa CADPI ipinapasok ang inaaning tubo mula sa 10,980 ektarya sa prubinsya.

Sa pahayag ng SUGAR-Batangas, sinabi nitong napakaraming pinagdaanan ang mga kapwa nila magtutubo para lamang isalba ang kanilang kabuhayan at itulak ang muling pagpapalakas ng industriya ng asukal sa prubinsya. Sinalubong ang mga pagsisikap na ito ng panggigipit at intimidasyon ng pulis at militar.

“Walang humpay na panggugulo, pangingidnap, pananakot, at pagbabanta…ang ginagawa ng 59th IB sa mga komunidad, boluntir, kasapian ng SUGAR at KAISAHAN,” ayon sa grupo.

Sa harap ng mga ito, hindi sila natakot at tumigil sa paglaban dahil karapatan ang lumahok sa mga kilos-protesta para manawagan ng disenteng trabaho.

“Ito’y pangalawang bugso pa lang ng pamamahagi ng ayuda para sa mga apektado. Hindi lamang sa ayuda natatapos ang ating laban hangga’t nanatili pa rin ang krisis sa industriya ng asukal. Patuloy pa rin tayo manawagan na buksan ang CADPI at pagyamanin ang lokal na produksyon ng asukal at tubó,” dagdag pa ng grupo.

Samantala, binatikos ng mga magtutubo ang pahayag na inilabas ng 59th IB na umano’y nakikiisa at bumabati sa tagumpay ng mga magtutubong tumanggap ng suportang pampinansya. “Pilit na nakikisawsaw sa tamis ng tagumpay ng SUGAR at ng ating mga magtutubó na nalaban para sa ating kabuhayan ang 59th IB,” ayon sa grupo.

Pinalalabas ng 59th IB na kaisa sila sa pagbibigay ng tulong sa mga magtutubo ngunit lubha itong pinasinunganlingan ng SUGAR. Anila, para sa mga magtutubo ang 59th IB ay “mapanlinlang, mandurukot, red-tagger, at mamamatay-tao.”

Ang mga sundalo ng 59th IB ang nanguna sa pananakot sa mga residente ilang buwan ang nakararaan na huwag lumahok sa mga aktibidad ng SUGAR. Sila rin ang sangkot sa pagdukot sa Balayan 3 kung saan kabilang ang dalawang boluntir ng SUGAR at iba pang kaso ng pananakot at panggigipit sa mga lider ng grupo.

Mga tauhan din ng 59th IB ang tinuturong nasa likod ng pagpatay sa 9-taong batang si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas noong Hulyo 18, 2022.

AB: Ika-2 serye ng ayuda sa magtutubo sa Batangas, ipinamahagi