Balita

Ika-50 taong anibersaryo ng Bloody Sunday, ginunita sa Ireland

,

Nagmartsa ang daan-daang mamamayan sa Derry, North Ireland para gunitain ang ika-50 taong anibersaryo ng masaker ng mga sundalong British sa mga nagpoprotestang Irish noong Enero 30, 1972 na kinilala bilang “Bloody Sunday.” Sa masaker na ito, 13 ang agad na napatay at isa ang kalauna’y namatay dulot ng mga sugat na tinamo sa pamamaril. Karamihan sa kanila ay binaril habang tumatakbo papalayo. Ang iba ay binaril habang tumutulong sa mga sugatan. Anim sa mga namatay ay 17 anyos pa lamang.

Nagpoprotesta noon ng mga nagrarali laban sa batas na nagpapahintulot sa pulis na magkulong nang walang paglilitis. Sa sumunod na mga dekada, tuluy-tuloy na itinanggi ng mga gubyernong British ang krimen ng mga sundalo at ipinaggiitang ang pamamaril ng mga sundalo ay para “depensahan ang kanilang mga sarili.” Ikinalat ng mga upisyal nito na “nahaluan” ng noo’y mga armadong pwersa ng Irish Republican Army ang pagkilos.

Sa labis na galit sa masaker, ilampung libo Irish ang nagmartsa sa syudad ng Derry tatlong araw matapos ang masaker (Pebrero 2, 1972) at itinuon ang kanilang paghihimagsik sa British Embassy na kanilang sinunog hanggang matupok.

Noon na lamang 2010 humingi ng paumanhin ang noo’y Prime Minister ng United Kingdom (UK) na si David Cameron para sa “hindi makatarungan at walang dahilan” na pagpatay ng mga sundalong British sa mga sibilyan.

Noong 2019, kinasuhan ang isa sa mga salarin, na kinilalang si “Soldier F” pero iniatras ang kaso sa sumunod na taon dahil mahina umano ang tsansa na mahatulan ito. Ito ay dulot sa panukala ng gubyerno ng UK na ipagbawal ang pagkakaso at paglilitis sa mga sundalong British na sangkot sa pamamaslang sa gera nito sa Ireland. Sa halip ng hustisya, itinutulak ng Britain ang pangkalahatang amnestiya at “rekonsilasyon” sa pagitan ng mga sundalo at mga pamilya ng mga biktima.

Noong Enero 26, nanawagan ang mga aktibista mula sa Anti-Imperialist Action na ikulong si Mike Jackson na noo’y hepe ng yunit na sangkot sa pagmasaker at si “Soldier F” na kinilalang si David Cleary na responsable sa pagpaslang sa apat na raliyista at pagkasugat ng apat pa. Sina Jackson at Cleary ay bahagi ng 1st Battalion, Parachute Regiment ng British Army na sangkot sa isa pang pagmasaker sa mga sibilyan sa Ballymurphy, Belfast sa pagitan ng Agosto 9 at 11, 1971.

AB: Ika-50 taong anibersaryo ng Bloody Sunday, ginunita sa Ireland