Baluktot na hustisya ng DOJ, labanan Katarungan para kay Ka Manny at iba pang biktima ng Bloody Sunday!
Nagpupuyos sa galit ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa pagdismiss ng Department of Justice (DOJ) sa kasong murder ng 17 pulis at isang ahente ng CIDG kay Emmanuel “Ka Manny” Asuncion ng BAYAN-Cavite sa Bloody Sunday noong Marso 7, 2021. Hindi maikakaila na ang DOJ ay protektor ng mamamatay-taong estado at nagpapatupad ng hungkag na reaksyunaryong batas.
Pagbubudbod ng asin sa sariwang sugat ng mga kapamilya ni Ka Manny ang desisyon ng DOJ. Isinaad nito na walang sapat na ebidensya para idiin ang mga pulis sa Bloody Sunday na tahasang nagbabasura sa testimonya ng saksi na asawa mismo ni Ka Manny. Naroon sa mismong oras at pinangyarihan ng krimen ang asawa ni Ka Manny. Nakita ng kanyang mga mata at mismong nakausap niya ang mga kriminal na pulis na pumasok sa opisina ng Workers Assistance Center, nang-aresto at bandang huli ay pumatay kay Ka Manny. Labis na binaluktot ng reaksyunaryong DOJ ang kaso at pinanigan ang gasgas na gawa-gawang kwento ng mga mamamatay taong pulis na “nanlaban ang biktima” upang isalba ang mga salarin.
Ang pag-abswelto sa mga pulis na pumatay kay Ka Manny ay nagbibigay ng precedent para sa iba pang kaso laban sa mga salarin ng Bloody Sunday. Pinalulubha nito ang kultura ng impyunidad na laganap sa Pilipinas.
Higit lamang na pinatunayan ng estado na napakailap ng hustisya para sa karaniwang mamamayan, habang promosyon at pabuya ang iginagawad sa mga mamamatay taong AFP-PNP. Pinagdurusa at pinapatay ang mga tunay na lingkod bayan at tagapagtanggol ng mamamayan tulad ni Ka Manny. Noong 2022, binigyan ng promosyon si Gen. Felipe Natividad, noo’y hepe ng PNP-CALABARZON na isa sa mga utak ng Bloody Sunday Massacre, at si Judge Jose Lorenzo dela Rosa, ang hukom na nag-isyu ng search warrant laban kay Ka Manny.
Bago ang pag-aabswelto sa mga pulis, inialis din ng DOJ ang pananagutan ng 59th IBPA sa pagpatay sa 9-taong batang si Kyllene Casao sa Batangas noong Hulyo 2021. Baluktot na ibinunton nito ang krimen sa NPA sa kabila ng mga patotoo ng mga residente na nagmula sa 59th IBPA ang putok ng baril na pumatay kay Kyllene.
Garapalang iwinawasiwas ng pasista-teroristang estado sa pamamagitan ng DOJ ang kapangyarihan nito para higit na ilayo ang katarungan sa kamay ng mamamayan. Isang talamak na red-tagger ang kalihim nitong si Jesus Crispin “Boying” Remulla. Tapat siya sa alyansang Marcos, Arroyo at Duterte (MAD) sa pagtupad ng tagibang na hustisyang pumapabor sa naghaharing uri. Ang mga pamilyang ito ay inabswelto rin sa mga krimeng dapat nilang kinakaharap kagaya ng kasong tax evasion ni Marcos Jr. at mga kasong korapsyong kinahaharap nina Imelda Marcos at Gloria Arroyo. Kabilang si Remulla sa nagtatanggol kay Rodrigo Duterte para hindi matuloy ang pang-uusig ng International Criminal Court sa huli hinggil sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Kasuklam-suklam ang pagkoro ng DOJ sa sinabi ng pangkating MAD na ang “komunistang insurhensya” ang dahilan ng pag-igting ng mga paglabag sa karapatang tao.
Ang paglala ng mga paglabag sa karapatang tao at ang pagtindi ng terorismo ng estado ay ibinunsod ng desperasyon ng mga naghaharing uri — ang pangkating MAD — na supilin ang paglaban ng mamamayan at tiyaking makapanatili sa kapangyarihan. Sumasalig sila sa AFP-PNP at walang habas na naghahasik ng karahasan upang ipataw ang pasistang paghahari at supilin ang nakikibakang mamamayan. Sa ganitong imbing layunin ipinatupad ang Coplan Asval na naghudyat ng Bloody Sunday, Oplan Sauron, SEMPO at crackdown sa mga ligal at demokratikong organisasyon. Ang tanging kasalanan ng mga biktima nito tulad ni Ka Manny ay ang paglaban para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Dapat na padagundungin ang mga protesta para patalsikin si Remulla sa DOJ. Pinatunayan ni Remulla na wala siyang kredibilidad na maging kalihim ng DOJ kung saan ginagamit niya ang posisyon laban sa mga kaaway ng estado. Gayundin, upang isalba ang malalapit na kaibigan at kaanak na kriminal kagaya ng kanyang anak na inabswelto sa krimen sa iligal na droga kamakailan lang.
Nananawagan ang NDFP-ST sa mga makabayang abogado, grupong tagapagtanggol ng karapatang tao at iba pang makataong institusyon na patuloy na tulungan ang mga biktima ng Bloody Sunday at iba pang paglabag sa karapatang tao sa paghahanap ng hustisya para sa kanilang mga kaanak. Maaasahan ng mamamayang Pilipino na gagawin ng rebolusyonaryong kilusan ang makakaya nito upang makamit ang katarungan para sa mga inutang na dugo ng AFP-PNP at pasistang estado. Aabutin sila ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya.
Higit sa lahat, dapat ipagpatuloy ng mamamayang Pilipino ang laban ni Ka Manny. Higit na papag-alabin ang pakikibaka sa gitna ng terorismo ng estado. Buuin at patatagin ang pinakamalawak na alyansa ng mamamayan para labanan ang pasismo-terorismo ng estado na iwinawasiwas ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.###