Balita

Ika-52 anibersaryo ng batas militar, ginunita sa koordinadong mga protesta

,

Sa pangunguna ng mga pambansa-demokratikong organisasyon, ginunita ng iba’t ibang mga sektor ang ika-52 anibersaryo ng pagpataw ni Ferdinand Marcos Sr ng batas militar sa mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Ginugunita natin ngayong taon ang anibersaryo ng deklarasyon ni Ferdinand Marcos Sr ng batas militar na may kasabay na galit sa nagpapatuloy na mga paglabag sa karapatang-tao, mga karapatang siil at sa internasyunal na makataong batas sa ilalim ng kanyang anak na si Ferdinand Marcos Jr,” ayon sa pinag-isang pahayag ng naturang mga grupo at iba pang mga progresibong organisasyon at indibidwal. Hindi lamang binubuhay ni Marcos Jr ang patakan ng kanyang ama, nagpapatuloy ang kawalang pakundangan sa paglabag sa mga karapatang-tao, anila.

“Nagpapatuloy ang kawalang pakundangan, kasabwat ang mga elite sa pulitika at ekonomya na suportado ng gubyernong US.” Anila, tulad noong panahon ng batas militar, hinahadalangan ngayon ng mga pasistang makinarya tulad ng NTF-Elcac, mga batas tulad ng Anti Terrorism law at ang bundat na militar at pulis ang hangarin ng mamamayan para sa demokrasya, panlipunang hustisya, karapatan-tao at kapayapaan.

Nananawagan sila sa mamamayan na labanan ang panggigipit at igiit ang pagtatapos sa tiraniya at terorismo ng estado. Unang-una, anila, dapat papanagutin si Marcos Jr sa pagtutulak sa legasiya ng kanyang amang diktador, na nag-aasatang maka-karapatang-tao habang pinannatili ang mga duguang ahensya tulad ng NTF-Elcac at tumatangging tumulong sa pag-usig kay dating presidenteng si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.

Sa Metro Manila, nagmartsa mula España tungong Mendiola ang mga grupong pinamunuan ng Bayan dala ang istrimer na “Labanan ang terorismo.” Nagkaroon ng gitgitan sa pagitan ng mga raliyista at pulis nang harangin ang protesta bago makarating sa Mendiola. Dumalo rito ang mga aktibista mula sa Southern Tagalog.

Sa Laguna, naglunsad ng isang “snake rally” ang mga estudyante sa University of the Philippines-Los Baños.

Sa Bicol, naglunsad ng protesta-caravan ang mga grupo sa ilalim ng Bayan-Bicol mula Busay, Daraga tungong simbahang Redemptorist sa Legazpi City kung saan inialay nila ang isang misa. Sinundan ito ng isang pangkulturang pagtatanghal. Mahigit 100 mula sa Albay, Camarines Sur at Sorsogon ang lumahok sa aktibidad.

Sa Baguio, nagmartsa sa Session Road ang mga raliyista tungong Burnham Park kung saan idinaos nila ang isang programa. Nagsalita sa programang ito ang mga biktima ng batas militar tulad ni Jennifer Cariño.

Sa Iloilo City, nagkaroon ng porum sa Hoffbauer Hall, St. Clement’s Compound sa La Paz district bago nagmartsa ang mga kalahok tungong kapitolyo ng Iloilo. Nagkaroon din ng martsa sa Kalibo, Aklan.

Sa Cebu, nagtipon sa Fuente Osmeña bago nagmartsa tungong Metro Colon ang mga pambansa-demokratikong grupo. Kasabay ng paggunita sa batas militar ang kanilang pagpupugay sa mga martir at bayani ng bayan na nag-alay ng kanilang buhay sa paglaban sa diktadura at terorismo ng estado. Bago nito, nagkaroon ng photo exhibit sa University of the Philippines-Cebu at gabi ng pangkulturang pagtatanghal na pinangunahan ng Karapatan-Cebu at Stop the Attacks Movement for Peace (STAMP-Cebu).

Sa Bacolod City, nagmartsa ang mga organisasyon sa ilalim ng Bayan-Negros para magkasabay na gunitain ang Escalante Massacre at ang ika-52 anibersaryo ng pagpataw ng batas militar. Nagsimula ang martsa sa Rizal Park bandang alas-2 ng hapon at nagtapos sa Halandumon Tower sa Gatuslao-Gonzaga St. Sa Escalante City, isang misa ang inialay sa Mt. Carmel Church.

Sa Tacloban, nagdaos ang mga estudyante ng isang gabi ng pagtatanghal noong Setyembre 20 sa University of the Philippines-Tacloban bilang pag-alala sa dinanas na karahasan at pang-aabuso ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng batas militar.

Sa Davao City, isinagawa ang protesta sa Freedom Park bandang alas-2 ng hapon. Kinagabihan, nagsindi ng kandila ang mga aktibista sa Our Lady of the Assumption Statue, malapit sa Ateneo de Davao, para gunitain ang mga biktima ng batas militar.

AB: Ika-52 anibersaryo ng batas militar, ginunita sa koordinadong mga protesta