Ikalawang pangkalahatang asembliya ng FFPS, inilunsad

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inilunsad ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) noong Hunyo 20 ang ikalawang pangkalahatang asembliya ng organisasyon sa temang “Ignite and spread the flames of solidarity for the Philippine revolution across the world”. Itinuring ito ng grupo bilang isang mahalagang aktibidad dahil ito ang unang pagkakataong pisikal na nakapagtipun-tipon ang mga myembro nito mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa komunike ng FFPS na inilabas noong Hulyo 18, iniulat ng grupo na lumahok ang 43 delegado mula sa 15 kasaping organisasyon nito sa asembliya. Dumalo rin ang 57 tagapagmasid at tatlong panauhing tagapagsalita. Kabilang sa mga tagapagsalita sina Ka Juliet de Lima at Coni Ledesma mula sa negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

“Sa kabuuan, ang naging matagumpay na pangkalahatang asembliya natin ay patunay ng paglago at patuloy na pag-unlad ng FFPS gayundin ng komitment ng lahat ng mga kasapi nito na patuloy na palakasin ang ating gawain para sa rebolusyong Pilipino,” ayon sa grupo.

Tinalakay ng FFPS sa asembliya ang naging karanasan nito sa nagdaang tatlong taon, mula nang itinatag noong 2021. Binuo ng FFPS ang bagong Pangkalahatang Programa ng Pagkilos nito para sa 2024-2027. Nilaman ng programa ang higit pang pagsisikap para magbigay ng lahatang-panig na pakikiisa sa NDFP at rebolusyong Pilipino.

Itinakda rin nila sa programa ang pangangailangang tumulong sa paglalantad sa mga kaaway ng mamamayang Pilipino, kabilang ang rehimeng Marcos at dating rehimeng Duterte. Palalakasin rin umano ng FFPS ang kanilang pakikipagtulungan at ugnayan sa iba pang mga grupo para umani ng suporta para sa rebolusyong Pilipino.

Sa unang hati ng 2024, iniulat ng FFPS na nakapagtayo ito at nakapagrekrut ng limang bagong mga kasaping organisasyon para sa FFPS. Nagkaisa ang asembliya sa layuning doblehin ang kasapian ng grupo sa susunod na tatlong taon.

Pinagtibay rin ng asembliya ang mungkahi ng dating komiteng tagpag-ugnay nito na sumali ang organisasyon sa International League of Peoples’ Struggle para pandayin ang pakikipagkaisa sa iba pang anti-imperyalistang mga organisasyon sa mundo.

Hinirang din sa asembliya ang bagong mga kasapi ng komiteng tagapag-ugnay o coordinating committee ng grupo. Muling inihalal bilang tagapangulo ng FFPS si Robert Reid habang itinalagang global coordinator nito si Eevee Garcia na siyang mangunguna sa Global Secretariat ng grupo.

“Magsisilbing mahalagang pagkakataon ng pagkakaisa at pagpapataas ng diwa ang asembliya,” ayon pa sa FFPS. Hinamon ng organisasyon ang mga kasapi nito na sundan at tumbasan ang katapangan ng nakikibakang mamamayan sa Pilipinas at ang lahat ng nasa unahan ng pakikibaka laban sa imperyalismo.

“Patuloy nating palakasin at konsolidahin ang ating orgnisasyon para magawang suportahan ang pagsulong ng rebolusyong Pilipino sa lahat ng porma–moral, pulitikal at suportang materyal. Maging tunay tayong kaibigan ng mamamayang Pilipino, sa pamamagitan ng pakikibaka kasama sila, at buong pagsuporta sa kanilang pakikibaka para sa karapatan, kabilang ang kanilang kolektibong karapatan para sa sariling pagpapasya at paglaya!” pagtatapos ng FFPS.

Binati at pinagpugayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan ang naging matagumpay na asembliya ng FFPS.

AB: Ikalawang pangkalahatang asembliya ng FFPS, inilunsad